24,294 total views
Inaanyayahan ni Borongan, Eastern Samar Bishop Crispin Varquez ang mga mananampalataya na makibahagi sa paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda na nanalasa sa gitnang bahagi ng Pilipinas.
Ayon kay Bishop Varquez, 10 taon na ang nakakalipas ngunit nananatili pa rin ang mapait na alaalang iniwan ng Bagyong Yolanda sa buhay ng maraming Pilipino.
Gayunman, sinabi ng obispo na ito’y panahon din para manalangin at magpasalamat sa patuloy na paggabay ng Panginoon upang higit na patatagin ang pagkakaisa at pananampalataya ng mga biktima sa kabila ng pagsubok.
“As we look back on that fateful day, we remember the lives lost, the families shattered, and the communities uprooted. We recall the countless acts of heroism and selflessness that emerged in the midst of the chaos. We acknowledge the pain and grief that still linger in the hearts of those who survived and continue to rebuild their lives. And we recognize the hand of God guiding us through the darkest of moments,” pahayag ni Bishop Varquez.
Magugunita noong Nobyembre 8, 2013 nang manalasa sa Eastern Visayas at karatig na lalawigan ang Bagyong Yolanda, na kumitil sa buhay ng higit 6,000 katao, at milyong-milyon naman ang nawalan ng tahanan.
Hinimok naman ni Bishop Varquez ang mamamayan na alalahin at ipanalangin ang mga biktima lalo na ang mga nasawi upang makamtan ang kapayapaan ng mga kaluluwa, maging ang kaginhawaan at katatagan ng mga naiwang pamilya.
Gayundin ang taos-pusong pasasalamat sa mga organisasyon at indibidwal na walang sawang nagpahatid ng tulong at suporta upang matugunan ang pangangailangan at muling makamit ng mga higit na apektado ang pag-asa sa gitna ng kadiliman.
Iginiit din ni Bishop Varquez na ang nagdaang sakuna nawa’y magsilbing paalala sa bawat isa na higit pang alagaan ang nag-iisang tahanan upang mapigilan ang lumalalang krisis sa klima ng daigdig na nagiging sanhi ng higit pang malalakas na kalamidad.
“As we commemorate this 10th year anniversary, let us hold each other in prayer and support. may our collective memory of Super Typhoon Yolanda inspire us to be agents of healing, reconciliation, and hope in our diocese and beyond,” paanyaya ni Bishop Varquez.
Unang nag-landfall ang Bagyong Yolanda sa Guiuan, Eastern Samar kung saan labis na napinsala ang buong bayan lalo na ang Immaculate Conception Parish o Guiuan Church na kabilang sa National Cultural Treasure ng Pilipinas.
Ang Super Typhoon Yolanda na may international name na Haiyan, ang itinuturing na pinakamalakas at kauna-unahang Super Typhoon sa kasaysayan ng bansa.