39,567 total views
Ikinalugod ni Cebu Archbishop Jose Palma ang pagbubuklod ng mga pari ng Pilipinas sa isinagawang National Retreat for Priests.
Ayon sa arsosbispo, mahalag ang pagtitipon lalo’t tinatalakay dito ang temang ‘Priesthood: A Call to holiness’ kung saan isang pagkakataon upang mapagnilayan ng bawat pastol ng simbahan ang mga bokasyong tinanggap para sa mas malawak na pagmimisyon.
“We gather as one united by baptism, we are gathered as one being ordained and we are one in our purpose in searching for holiness… We are reminded to go to the basics of the priesthood…to focus on who we are, the nature of the priesthood, we are priest of Jesus, we are priest of God,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Palma.
Batid ni Archbishop Palma na may mga lingkod ng simbahang nalilimutang isabuhay ang tunay na diwa ng pagiging pari ni Kristo kaya’t ito ang pagkakataong balikan at pagnilayan ang sarili kung nagagampanan ang tungkuling pagpapastol sa kawang ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga.
Iginiit ng arsobispo na bawat pari ay pawang hindi karapatdapat sa misyong iniaatang subalit ito ay pinili ng Panginoong pagkalooban ng natatanging biyaya ng bokasyon ng pagpapari.
“Because it is a gift it is precisely ours to share and I think we rule out any entitlement, we are not entitled to anything, everything is grace from the Lord,” saad ni Archbishop Palma.
Kinilala ni Archbishop Palma ang mga pagbabahagi nina missionary nun Sr. Briege Mckenna, OSC at Fr. Pablo Escriva de Romani bilang retreat masters na tinatalakay ang tema ng pagtitipon tungo sa pagkakasundo, paghihilom at pagsasariwa ng mga pari.
Mahigit sa 2, 000 mga pari mula sa 58 arkidiyosesis at diyosesis sa bansa ang dumalo sa NRP 2023 na nagsimula noong November 7 hanggang 9 kung saan nangunguna ang Archdiocese of Cebu sa pinakamaraming delegado sa halos 400 mga pari.
Ginanap ang retreat ng pari sa IEC Convention Center sa Cebu City na inisyatibo ng CBCP Episcopal Commission on Clergy na pinangangasiwaan ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo katuwang ang Archdiocese of Cebu, CHARIS Philippines at Marian Solidarity.