20,262 total views
Kinundena ng Ibon Foundation ang patuloy na pag-uulat ng pamahalaan sa paglago ng ekonomiya sa kabila ng tumataas na bilang ng mga mahihirap sa Pilipinas.
Ibinahagi ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation ang pag-aaral sa 3rd quarter ng taong 2023 kung saan tumaas ng 1.7-porsiyento na katumbas ng 825-libong pamilya o 47-milyong Pilipino ang nakakaranas ng kahirapan.
Ayon kay Africa, hindi makatotohanan ang ulat ng pamahalaan na paglago sa ekonomiya ng bansa.
‘The reported 5.9% Growth in the third quarter from the year before isn’t just jobless but job destroying, real national industrialization replacing old neoliberal free market thinking is long overdue,’ mensahe ng Ibon Foundation sa Radio Veritas.
Nilinaw ni Africa na natuklasan sa pag-aaral ng Ibon Foundation na umaabot sa 1-milyong pamilya ang nadagdag at hindi na nakaahon sa estado ng kahirapan sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo ng nakalipas na taon.
Tinukoy din ni Africa ang pagbaba sa 4.4-porsiyento ang halaga ng suweldo ng mga manggagawa sa National Capital Region sa kabila ng wage increase dahil sa mataas na inflation rate na umaabot sa dalawang porsiyento.
Kaugnay nito, nakikiisa ang Church People Workers Solidarity sa panawagan ng Ibon Foundation na patawan ng dagdag na buwis ang mga pinakamayayamang kompanya o indibidwal sa bansa upang magamit na pondo sa pagtulong sa mga mahihirap.