45,918 total views
Nakibahagi ang mga opisyal ng Association of Catholic Shrines and Pilgrimages of the Philippines o ACSP sa ikalawang International Conference for Rectors and Pastoral Personnel of Shrines sa Vatican.
Pinangunahan ni Fr. Reynante Tolentino ang kasalukuyang Rector ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral at pangulo ng ACSP ang delegasyon ng Pilipinas para makiisa sa mahalagang pagtitipon.
Kabilang din si Fr. Tolentino sa magbahagi ng mga karanasan hinggil sa Antipolo Shrine kung saan sinabi nitong ito ang pagkakataon upang higit pang maipakilala sa buong mundo ang debosyon ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.
“Ito ang magandang pagkakataong mas maibabahagi ang Mahal na Birhen ng Antipolo sa buong mundo, ang malagong debosyon at makainang pagkalinga nito sa mamamayan,” pahayag ni Fr. Tolentino sa Radio Veritas.
Tema sa pagtitipon sa Vatican ang ‘The Shrine: A House of Prayer’ na sinimulan noong November 9 at magtatapos nitong November 11 kung saan kasabay din nito ang paghahanda sa nalalapit na Jubilee Year ng simbahang katolika sa 2025.
Unang inilusand ang pagtitipon ng mga shrine rectors noong 2018 sa inisyatibo ng Dicastery for Evangelization kung saan isa sa katuwang ni Pope Francis sa pangangasiwa ng tanggapan ay si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle.
Samantala sa January 26, 2024 pormal nang itatalaga ang Antipolo Cathedral bilang kauna-unahang international shrine sa Pilipinas, ikatlo sa Asya at pang – 11 sa buong mundo.
Batay sa kasaysayan January 14, 1954 nang ideklara ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang dambana bilang National Shrine kung saan dinadayo ito ng milyong milyong deboto sa bansa lalo na ang Penitential Walk mula Quiapo Church matapos ang “Pagdalaw ng Ina sa Anak” tuwing April 30 bago magsimula ang pilgrimage season mula unang Martes ng Mayo hanggang sa unang Martes ng Hulyo.