43,215 total views
Umaasa ang obispo ng simbahan na sa kabila ng mahabang panahon na pagkakapiit dahil sa maling paratang ay makakamit rin ni dating Senator Leila de Lima ang katarungan.
Ito ayon kay Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay na rin sa pagpayag ng hukuman na makapagpiyansa si De Lima para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
“Hindi justice ito, pero at least the injustice is lessen na hindi nagpapatuloy at nababawasan na.” ayon kay Bishop Bacani.
Humahanga rin ang obispo kay De Lima na sa kabila ng pitong taon ay nagawa niyang magpatawad at hindi pag-asam ng paghihiganti sa kabila ng pitong taong pagkakakulong.
Naniniwala naman si Bishop Bacani na sa kabila ng pagpapatawad ay mahalaga pa rin na lumabas ang katotohanan at mapanagot ang mga taong tunay na nagkasala.
“Hindi nangangahulugan niyan na hindi dapat dalhin sa hustisya ang mga gumawa ng masama sa kaniya. Iba ang pagpapatawad, iba rin ang pagdadala sa hustisya. Kanya, harinawa ay madala sa hustisya dito sa kaso ni senador at harinawa magtamo ng complete vindication at lumitaw tuloy ang kawalan ng hustisya na ginawa sa kanya.” dagdag pa ng obispo.
Hiling din ng obispo sa mamamayan ang patuloy na paglaban at pananalangin para sa pag-iral ng katarungan sa bansa lalo na sa mga libo-libong biktima ng kawalang katarungan, pang-aabuso at pagpaslang lalo na sa napaslang sa naganap na drug war sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Asahan natin na sa patuloy na paglaban at panalangin para mangyari ang katarungan ay mangyari nga ito sa ating bansa at mabawasang ang sobrang pang-aapi na at ang kakulangan ng hustisya sa maraming mga kaso.” ayon pa kay Bacani.
Sa ulat, may anim na libo katao ang nasawi sa inilunsad na drug war ng nakaraang administrasyon, habang higit naman sa 20-libo katao base naman sa ulat ng human rights group.
Una na ring nanawagan si Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel kay Justice Secretary Crispin Remulla na imbestigahan ang kaugnayan ng dating Pangulong Duterte kaugnay sa pagkamatay ng maraming hinihinalang may kaugnayan sa illegal na droga sa nakalipas na kampanya ng kanyang adminitrasyon na war against drugs.
‘Kailangang imbestigahan ‘yan at panagutin ang dapat na managot.” pagsang-ayon pa ng obispo.