13,125 total views
Kapanalig, isa sa mga biyaya ng ating panahon ngayon ay ang teknolohiya at kung paano nito natutulungan ang ating mga seniors sa pang-araw araw na buhay.
Tinatayang mahigit pa sa siyam na milyon ang mga seniors sa ating bayan ngayon. Dadami pa ito kapanalig sa darating na panahon, kaya’t napaka-inam na may mga teknolohiya ngayon na nagagamit ang mga seniors para sa maraming aspeto ng kanilang buhay.
Dahil sa teknolohiya, marami sa ating mga elderlies ang na-e-extend pa ang panahon ng kanilang pagta-trabaho, kung nais nila. Ang ating mga gadgets gaya ng mga computers, cellphones, katuwang ang internet, ay nakapagbibigay ng maraming oportunidad sa mga seniors na kumita pa kahit nasa retirement age na.
Ang teknolohiya din ay nakapagbibigay sa mga seniors ng channel o platform upang makilahok sa lipunan. Kung dati rati, ang boses ng mga seniors o elderly ay nasa loob ng tahanan at pamilya lamang, ngayon, mas napapalawak pa ang kanilang pakikipag-ugnayan sa lipunan dahil sa mga iba-ibang paraan at plataporma na bunga at dulot ng teknolohiya.
Marami ring mga inobatibong assistive devices ngayon na nakakatulong sa mobility ng mga elderlies. Ang mga smart devices sa bahay, gaya ng mga makabagong mga ilaw, mga ref, mga stoves at oven, mga dishwashers at washing machines, ay nakakatulong sa kanila na konbinyente makagalaw sa kanilang tahanan.
Kaya lamang, kapanalig, may katapat na gastos ang mga biyaya ng teknolohiya. Dahil sa kanilang kamahalan, kakarampot lamang sa kanilang sektor ang nakakatanggap ng benepisyo ng teknolohiya, yung mga may pera lamang. Ang maralitang seniors, kadalasan, kung may smart phone man, wala pa ngang pang load minsan. Dahil sa kahirapan, hindi nalalasap ng maraming mga seniors ang convenience at ginhawa na dapat na kanilang natatanggap. Tinatayang halos kalahati ng ating mga seniors ang nagtatrabaho pa pero bitin pa rin lagi ang kanilang kinikita para sa kanilang pangangailangan. Marami ring mga seniors ang hindi malusog pero hindi nagpapa-doktor dahil sa kakulangan sa pera.
Kapanalig, kailangan nating suriin ang ang ating lipunan at tanungin sa ating sarili kung tama ba at makatarungan ba ang sitwasyon ng napakaraming maralitang seniors o elderly sa ating bansa. Habang tayo na malalakas at may konting pang-gastos ay natatangap ang biyaya ng teknolohiya, marami sa ating mga nakakatanda ay kulang ang budget para sa pagkain o pagpapa-doktor. Pagkatapos ng ilang taon paninilbihan sa lipunan, sila ay naisasantabi na lamang sa ating lipunan.
Kapanalig, sa mundo natin ngayon na tinutulak na ng teknolohiya, huwag nating iwanan ang mga seniors na nag-ambag din para sa lahat ng biyayang tinatamasa natin ngayon. Sa Fratelli Tutti, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, ikinalulungkot ni Pope Francis na minsan, ating itinuturing na “burden” o pabigat ang mga matatanda dahil sa kanilang kahinaan o disability. Pinapaalala niya lahat sa atin na bigyan sila ng boses at espasyo sa lipunan, dahil gaya natin, sila ay may angking dangal at dignidad na dapat nating kilalanin at respetuhin.
Sumainyo ang Katotohanan.