15,216 total views
Kapanalig, tumingin ka sa iyong paligid. Marami na ang mga nagbabago sa ating buhay, kasama na dito ang labor market sa ating bayan. Iba na ang mga skills o kasanayan na kailangan ng bagong panahon. Handa na ba tayo dito?
Ang makabagong teknolohiya, ang globalisasyon, ang mga pagbabago sa demograpiya ay ilan lamang sa salik na nagtutulak ng pagbabago sa job landscape sa ating bansa. Ayon nga sa Future of Jobs Report 2023 ng World Economic Forum, teknolohiya ang magtutulak ng transpormasyon ng mga businesses o negosyo sa darating na limang taon. Ilan sa mga matingkad dito ay ang adoption o pag-gamit ng mga negosyo ng big data, cloud computing, big data analytics, pati na AI o artificial intelligence. Ang e-commerce ay patuloy na lalago. Lahat ng ito ay malaki ang magiging impact sa mga trabaho ng tao sa darating na limang taon. May mga trabahong malilikha, may mga trabahong mawawala. Pero sa ganitong trend, nakikita natin na ang mga pagbabagong ito ay magdudulot ng mas mataas na demand para sa mga manggagawang may kaalaman at kasanayan sa teknolohiya. Ayon sa pagsusuri, mga 44% ng mga kasanayan ng mga manggagawa o workers’ skill ang madi-disrupt sa darating na limang taon.
Marahil marami sa ating mga manggagawa ang nangangamba sa mga pagbabago at disruption. Pero kapanalig, ang pagbabago ay atin nang katambal kahit anumang panahon. Ang mga pagbabagong ito ay nagtutulak sa atin na umangat sa buhay, kaya’t dapat tayo ay maging bukas dito, mapanuri, at maging handa. Dapat din nating yakapin ang life-long learning at critical thinking. Lahat tayo ay dapat naghahasa ng ating mga kasanayan, at laging bukas para sa pagsasanay sa bagong mga kaalaman at skills. Lahat tayo ay dapat marunong magsuri at magnilay. Sabi pa rin sa Future of Jobs Report 2023, nanatiling pinaka-importanteng kasanayan o skill ang analytical thinking at creative thinking. Ito ay core skills.
Kailangan sumabay ng ating education sector sa mga pagbabago sa mga job market hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Lahat tayo ay global citizens ngayon dahil sa teknolohiya, at ang trabaho ng tao ay tumatawid na ng dagat at lupa kahit pa nasa bahay lamang ang duty stations natin. Kung walang kasanayan para sa nagbabagong job market ang ating mga mamamayan, paano sila makakahanap ng trabaho na bubuhay hindi lamang sa kanilang pamilya, kundi sa ating ekonomiya?
Ayon sa Sacramentum Caritatis, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, “Work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society.” Integral sa ating buhay at lipunan ang trabaho, dahil dito ay aktibo tayong nakakalahok sa patuloy na paglikha ng Diyos sa ating mundo. Kaya’t napakahalaga, na tayo, bilang nagkakaisang bayan, ay laging handa at bukas sa mga pagbabago sa ating paligid, na nag-uudyok sa atin na mag-adjust at mag-adapt para sa ating pansariling kalinangan at sa kaunlaran ng ating bayan. Ang mga pagbabagong ito, may dala mang hamon, ay may bitbit ding mga magagandang posibilidad at oportunidad na tutulong sa atin na paunlarin ang bayan at pamilya, at abutin ang kaganapan ng ating mga potensyal.
Sumainyo ang Katotohanan.