19,727 total views
Mga Kapanalig, nasaksihan mismo ng mga nanonood ng livestream ng kanyang programa sa radyo ang pagpatay sa radio anchor na si Juan Jumalon, na mas kilala bilang DJ Johnny Walker sa Misamis Occidental. Nagpanggap na tagapakinig ang suspek na lumusob sa bahay na nagsisilbi ring radio station ni Jumalon. Dalawang beses binaril ang radio anchor habang umeere ang programang pang-umaga ng Gold FM 94.7 Calamba sa Misamis Occidental. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, patuloy ang paghahanap ng mga pulis sa suspek at isa pa niyang kasama. Inaalam din nila kung may kaugnayan ang krimen sa trabaho ni Jumalon.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (o NUJP), marami silang natanggap na report tungkol sa mga bantang natatanggap ng mga tinatawag na community journalists pagkatapos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections. Ang mga bantang ito ay mula raw sa mga lokal na pulitiko at kanilang mga tagasuporta. Hindi pa natin alam kung lokal na pulitika rin ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay kay Jumalon. Anuman ang dahilan, maling-mali ang pumatay ng tao. “Huwag kang papatay”, sabi nga sa Exodo 20:13.
Nangyari ang pagpatay kay Jumalon ilang araw bago ang anibersaryo ng tinaguriang “Ampatuan massacre”, ang isa sa pinakakarumal-dumal na pagpatay sa mga taga-media sa loob lamang ng isang araw. Ito rin ang itinuturing na pinakagrabeng kaso ng election-related violence sa ating bansa. Matatandaang noong Nobyembre 2009, magsusumite ng kanyang certificate of candidacy para sa pagkagobernador ng Maguindanao si Esmael Mangudadatu. Ngunit dahil sa mga natatanggap na banta sa kanyang buhay, dinala ang certificate ng kanyang buntis na asawa at iba pang babaeng kamag-anak sa pag-aakalang hindi pagbabantaan ng kanyang mga kalaban ang mga babae. Bilang dagdag na proteksyon, inimbitahan din niya ang ilang mamamahayag para i-cover ang kanilang filing of candidacy. Gayunman, pinahinto pa rin ng isang armadong grupo ang convoy ng misis ni Mangudadatu at pilit na pinadaan sa ibang ruta. Iyon ay patungo sa isang mass grave kung saan sila pagpapapatayin at sama-samang ililibing.
Hindi natigil mula noon ang mga patayang kasama sa mga biktima ang mga mamamahayag. Si Jumalon, ayon sa NUJP, ay ang pang-199 na mamamahayag na pinatay mula noong 1986 kung kailan bumalik ang demokrasya sa ating bansa. Siya ang pang-apat na biktima sa ilalim ng administrasyon ni PBBM. Sinasabing ang Pilipinas ang isa sa mga may pinakamalayang media, ngunit nananatili naman itong pinakamapanganib para sa mga mamamahayag, lalo na sa mga probinsya at mga nasa radyo, katulad ni Jumalon. Ayon sa 2023 Global Impunity Index, pangwalo tayo sa listahan ng mga bansang “most dangerous for journalists.”
Nakalulungkot na laganap pa rin ang kultura ng pagpatay sa ating bansa, at dapat tayong mabagabag na hindi kakaunti sa mga biktima ay mga mamamahayag. Hindi rin nakatutulong ang mabagal na pagresolba sa mga kaso nila. Ang mga nasa likod ng Ampatuan massacre nga ay nahatulan pagkatapos pa ng sampung taon. Hanggang ngayon, hindi pa rin napananagot ang mga nasa likod ng pagpatay sa kilalang komentaristang si Percy Lapid. Paano pa kaya ang mga biktimang mamamahayag sa kanayunan katulad ni Jumalon?
Mga Kapanalig, kinikilala maging ni Pope Francis ang mahalagang papel ng mga mamamahayag bilang tagapagbunyag ng katotohanang maaaring ikubli sa publiko. Ang pagpatay sa kanila ay pagpatay din sa katotohanan. Hindi ito mangyayari kung magiging sagasig ang gobyerno—lalo na ang mga alagad ng batas—sa pagresolba sa mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag. Hindi ito mangyayari kung patutunayan ni PBBM ang pahayag niya hinggil sa kaso ni Jumalon na “ang ganitong walang kabihasnang pag-atake sa ating mamamahayag ay walang lugar sa isang demokratikong bansa.”
Sumainyo ang katotohanan.