33,252 total views
Mga Kapanalig, ilang beses na nating tinalakay sa ilang editoryal ang tungkol sa mga mangingisda at magsasaka bilang pinakamahirap na mga sektor sa ating bansa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2021, nasa 30.6% ng mga mangingisdang Pilipino ang mahirap. Kung bibilangin, nasa 350,000 na mangingisda ang mahirap. Hindi nalalayo ang mga magsasakang nasa 30% ang tinatawag na poverty incidence o ang bahagdan ng mga kumikita ng mas mababa sa halagang itinuturing na sapat upang hindi matawag na mahirap. Katumbas ito ng 2.4 milyong magsasaka. Ang mga mangingisda at mga magsasaka ang laging nasa unahan ng listahan ng mahihirap na sektor sa ating bansa mula pa noong 2015.
Magandang alamin kung ano ang plano para sa mga mangingisda at magsasaka ng bagong talagáng kalihim ng Department of Agriculture (o DA) na si Secretary Francisco Laurel Tiu, Jr. Pagpasok ng Nobyembre, nanumpa bilang kalihim ng DA si Secretary Laurel matapos ang mahigit isang taóng pangangasiwa sa kagawaran ni Pangulong BBM. Ipinagmalaki ng pangulong sa wakas ay nakahanap na siya ng isang taong nakauunawa raw sa mga problema sa sektor ng agrikultura.
Isang negosyante si Secretary Laurel. Pamilya niya ang may-ari ng isa sa malalaking fishing companies sa Pilipinas. Ang mga produkto nilang fresh, frozen, at processed seafood ay ine-export sa ibang bansa. Lumawak pa ang kanilang negosyo ng pasukin nila ang aquaculture, canning, food manufacturing and processing, food importation, cold storage, at shipyard operations. Maging sa real estate development at power generation ay naroon din ang negosyo ng pamilya ni Secretary Laurel. Kung iniisip ng iba na may conflict of interest sa kanyang pagkakatalaga bilang kalihim ng DA, sinabi niyang nag-divest na siya sa mga negosyong ito.
Sa lawak ng negosyo ng bagong DA secretary, hindi nakapagtatakang isa siya sa mga may malalaking kontribusyon sa kampanya noon ni PBBM. Kaya para sa mga grupong kumakatawan sa mga mangingisda at magsasaka, “bayad-utang” ang ginawang ito ni PBBM. Ang hamon ngayon kay Secretary Laurel ay ang patunayang karapat-dapat siya sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya. Patunayan niyang higit pa siya sa campaign donor na pinagkakautangan ng loob ng presidente.
Sa ilalim ng kanyang pamamahala, kaya ba ng DA na pigilan ang mga mapanirang proyektong katulad ng reklamasyon na sumisira sa pinangingisdaan ng mga kababayan natin? Ano ang gagawin ng DA upang bumalik ang likas-yaman sa mga dagat, lalo na ang mga sinira na ng mga pribadong negosyo at maging ng mga dayuhang mangingisda? Anu-anong suporta ang ipararating ng kagawaran sa mga mangingisda upang lumago ang kanilang ani at hindi sila malubog sa utang?
Paano hihikayatin ng DA ang mga kababayan natin, lalo na ang kabataan, na huwag iwan ang kanilang mga sakahan? Pipigilan ba ni Secretary Laurel ang mga negosyong kumakamkam sa mga lupang maaari sanang pagsakahan ngunit ginagawang subdivision? Anong tulong ang ibibigay sa mga magsasakang binabarat ang kanilang mga ani? Mahuhuli ba talaga ng gobyerno ang mga nananamantala sa pagtaas ng presyo ng mga gulay at bigas?
Malaki ang inaasahan sa mga nasa pamahalaan. Sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, sinabi ni Pope John XXIII na ang pinakamahalagang gawain na itinalaga sa mga opisyal ng pamahalaan ay ang pagkilala, paggalang, at pagtataguyod ng mga karapatan at tungkulin ng mga mamamayan. Sa kaso ng mga naatasang tutukan ang sektor ng agrikultura, nakaatang sa kanila ang gawaing iangat din ang buhay ng mga mangingisda at magsasakang kabilang nga sa pinakamahihirap sa atin. Magamit kaya ni Secretary Laurel ang kanyang pagiging negosyante upang magawa ito?
Mga Kapanalig, maging paalala sana kay Secretary Laurel—at sa iba pang nasa gobyerno—ang nasasaad sa Galacia 2:10: “Huwag kakaligtaan ang mga dukha.”
Sumainyo ang katotohanan.