108,086 total views
Mga Kapanalig, anim na taon, walong buwan, at dalawampu’t isang araw nakulong si dating Senadora Leila de Lima. Ganito kahaba ang panahong ninakaw sa kanya ng walang basehang pag-uugnay sa kanya sa bentahan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (o NBP).
Una nang napawalang-sala ang dating senadora sa dalawang kasong isinampa laban sa kanya. Nitong nakaraang linggo, pinagbigyan ang kanyang petisyong makapagpiyansa sa ikatlo at huli niyang drug case. Ayon kay Muntinlupa City Regional Trial Court Judge Gener Gito, bigo ang prosekusyong ipakita sa mga testimonyang may maituturing na conspiracy o pagsasabwatan ng mga akusadong magbenta ng ipinagbabawal na gamot sa NBP.
Kilalang kritiko ang senadora ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bago pa siya maging senador, inimbestigahan ni De Lima bilang commissioner ng Commission of Human Rights (o CHR) ang mga extrajudicial killings sa Davao City habang mayor doon ang dating presidente. Tinutukan niya bilang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mga kaso ng pagpatay sa giyera ng administrasyong Duterte kontra iligal na droga. Sa kanyang pangunguna, naisiwalat sa mga pagdinig ng komite ang libu-libong kaso ng pagpatay at ang kaugnayan ni dating Pangulong Duterte sa mga ito. Dahil rito, walang habas siyang ipinahiya, minura, at pinagbantaan ng dating pangulo, bagay na pinatindi sa social media ng mga kakampi at masugid na tagasuporta ng sikat na presidente. Hindi nakatulong na ang ibang senador ay hindi nanindigan sa independensya ng Senado. Tinanggal nila si Senadora de Lima sa pagiging chairperson ng Committee on Justice and Human Rights.
Nang lumaon, idiniin ang dating senadora sa bentahan ng iligal na droga sa NBP, at noong 2017 ay inaresto nga siya. Hindi biro ang pinagdaanan ng senadora habang dinidinig ang kanyang mga kaso. Inungkat ang kanyang personal na Buhay at binastos sa maraming pagkakataon. Nanganib din ang kanyang buhay nang maging hostage siya ng isang bilanggo noong nakaraang taon. Sa kabila ng mga ito at maraming limitasyon sa kulungan, patuloy na nagtrabaho ang senadora hanggang matapos ang kanyang termino. Tumakbo rin siya sa pagkasenador ulit ngunit hindi pinalad. Sa kanyang paglabas, ipagpapatuloy daw niya ang kanyang adbokasiyang itaguyod ang katarungan at karapatang pantao sa bansa.
Naniniwala ang Simbahan sa kahalagahan ng rule of law o pananaig ng batas sa isang tunay na demokrasya. Binibigyang-diin ng panlipunang turo ng Simbahang kailangan ang rule of law upang masigurong hindi ang interes ng iilan at kagustuhan lamang ng mga indibidwal ang nasusunod. Nakabatay ito sa mahalagang prinsipyo ng division of powers sa gobyerno. Ibig sabihin, ang kanya-kanyang kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan ay dapat nagagamit upang papanagutin ang isa’t isa at masunod ang batas. Dapat nating tandaang ang mga lingkod-bayan ay may pananagutan sa taumbayan, hindi sa pangulo o sa sinumang nasa poder. Taumbayan ang pinanggagalingan ng kapangyarihan ng pamahalaan, at sa tuwing binabaluktot ang batas para sa ganansya ng iilan, taumbayan ang talo.
Kaya naman, taumbayan ang talo sa panggigipit kay dating Senadora de Lima. Hindi lang siya ang ninakawan ng panahon kundi pati ang taumbayang sinumpaan niyang paglingkuran bilang mambabatas. Tayo ang napagkaitan ng katotohanang maaaring nabigyang-linaw kung hindi naudlot ang mga pagdinig tungkol sa mga patayan sa war on drugs. Tayo ang ninakawan ng buong serbisyo mula sa isang nahalal na senador ng bansa.
Mga Kapanalig, sinasabi nga sa Juan 8:32, “ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” Nawa’y sa paglaya ng dating senadora, kahit pansamalantala lang, tuluyan ding maisiwalat ang katotohanan sa likod ng mga pagpatay sa war on drugs. Mapanagot din sana ang mga maysala. Huwag tayong mapagod na ipanawagan ang mga ito upang sa huli, taumbayan naman ang panalo.
Sumainyo ang katotohanan.