104,838 total views
Mga Kapanalig, ginunita noong ika-8 ng Nobyembre ang ikasampung anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda na isa sa pinakamalakas na bagyo sa buong mundo. Sa loob ng isang dekadang ito, marami pang mga matinding kalamidad o mga extreme weather events, na pinalubha ng climate change, ang tumama sa ating bansa. Batay sa hindi agarang pagtugon ng pandaigdigang komunidad sa krisis sa klima, asahan nating patuloy pang makararanas ng matitindi at mga mapaminsalang kalamidad ang buong mundo, lalo na ang mga bulnerableng bansa, katulad ng Pilipinas. Wika nga ni Pope Francis sa kanyang bagong apostolic exhortation na Laudate Deum, mabagal at hindi sapat ang kolektibong pagkilos natin upang tugunan ang lumalalang krisis sa klima. Isa sa mga pinakabulnerableng sektor sa climate crisis ay ang mga indigenous peoples o mga katutubo nating kapatid.
Sa Global Meeting of the Indigenous Peoples Forum noong Pebrero, binigyang-diin ni Pope Francis ang kahalagahan ng mga katutubo sa pagtugon sa krisis sa klima. Pahayag ng Santo Papa, kailangang mas makinig tayo sa kanila at matuto mula sa kanilang paraan ng pamumuhay upang higit nating maunawaang hindi natin maaaring ipagpatuloy ang pag-ubos sa likas na yaman ng mundo. Kasabay nito, nanawagan si Pope Francis sa mga pamahalaang irespeto ang dignidad at kultura ng mga katutubo at protektahan ang kanilang mga karapatan.
Hindi natatamasa ng maraming katutubo ang respetong ito. Marami sa kanila ang nakararanas ng karahasan at paglabag sa mga karapatang pantao na madalas ay kaugnay sa kanilang pagtatanggol sa kalikasan at sa kanilang komunidad. Ayon sa Panaghiusa, isang network ng mga grupong katutubo sa Pilipinas, may 126 na mga lider at miyembro ng indigenous communities mula 2016 hanggang 2021 na biktima ng extrajudicial killings (o EJK) sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte. Ayon naman sa grupong Karapatan, may dalawang katutubong biktima ng EJK at isang katutubong biktima ng enforced disappearance sa unang taon ng administrasyong Marcos Jr. Maliban sa mga ito, laganap din ang militarisasyon sa mga indigenous communties at red-tagging, lalo na sa mga katutubong tumututol sa mining operations at dam projects. Lahat ng kawalang-katarungang nararanasan ng mga katutubo ay parte ng dahilan kung bakit isang dekada nang nananatili ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa sa Asya na pinakamapanganib para sa mga environmental defenders.
Kamakailan lamang ay bumisita sa Pilipinas ang UN Special Rapporteur on the promotion and protection of human rights in the context of climate change upang alamin kung paano nakaaapekto ang mga pangyayaring dulot ng climate change sa pagtamasa ng karapatang pantao. Nakipagdayalogo siya sa mga ahensya ng gobyerno at iba’t ibang organisasyon, at pinakinggan ang karanasan ng mga civil society, church, at indigenous peoples groups. Sa kanyang paunang report, iminungkahi niya ang pagbawi sa Anti-Terrorism Law at pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (o NTF-ELCAC). Aniya, nagbibigay-daan ang mga ito sa mga human rights violations at harassment ng mga environmental defenders. Bagamat binatikos ng ilang opisyal ng gobyerno ang rekomendasyon, sinuportahan naman ito ng iba’t ibang human rights at environmental organizations at ng mga katutubo.
Mga Kapanalig, likas sa mga katutubo ang pamumuhay na naaayon, nangangalaga, at nagbibigay-respeto sa kalikasan. Ang pamumuhay na ito ay kinikilala sa mga panlipunang turo ng Simbahan na mahalaga sa pagtataguyod ng kabutihang panlahat o common good. Mahalagang kasama natin ang mga kapatid nating katutubo sa kolektibong pagkilos upang tugunan ang krisis sa klima. Marapat at makatarungan lamang na pakinggan natin ang kanilang mga boses at ipagtanggol natin ang kanilang dignidad at mga karapatan, katulad ng “[paggawad ng] katarungan sa api at mahihirap” na paalala sa Mga Kawikaan 31:8.
Sumainyo ang katotohanan.