173 total views
Isang pagkakataon upang ipakilala sa mga mananampalataya ang 400 taon na replica ng Our Lady of Mount Carmel ang kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ito ay matapos muling buhayin ang Dungaw noong 2014 isang tradisyon na pagsilip ng mahal na ina sa kanyang anak na nagpapakasakit.
Kaugnay dito, sinamantala na rin ng Minor Basilica of San Sebastian ang pagkakataon na pagsasagawa ng tradisyonal na Dungaw upang ipakilala sa mga mananampalataya ang natatanging Metal Church sa Pilipinas.
Ayon kay Tina Paterno Executive Director ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc., lingid sa kaalaman ng maraming mananampalataya, ang natatanging detalye ng pagkakalikha sa San Sebastian Church nang itayo ito halos 125 taon na ang nakalilipas.
Dahil dito, sa pamamagitan ng Dungaw, ay maipakikilala rin sa mga namamanata ang kagandahan at ang kasaysayan ng simbahan.
Kaugnay dito, nanawagan ng tulong si Paterno para sa pagsasaayos ng mga bahagi ng simbahan.
Aniya, malaking bahagi ng San Sebastian Church ang unti-unti nang kinakain ng mga kalawang kaya naman nais ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc. na ma-preserba ang orihinal na itsura ng simbahan.
“We would love to hear from those who would want to help, columns can be sponsored, one column on the inside is gonna cost P250,000 it’s really a long process”,pahayag ni Paterno sa Radyo Veritas.
Inamin ni Paterno na mahabang panahon ang gugugulin upang lubusang mapanumbalik ang matibay na istruktura ng 132 columns ng San Sebastian Church.
Gayunman sa kasalukuyan, tinatayang nasa 30% na ang naisasaayos dito, matapos unang ma-restore ang limang columns ng Minor Basilica of San Sebastian.