8,925 total views
Christ the King Sunday Cycle A
Ez 14:11-12.15-17 1 Cor 15:20-26.28 Mt 25:31-46
Ngayon ay ang huling Linggo ng taon sa kalendaryo ng Simbahan. Next week magsisimula na tayo ng bagong panahon, ang panahon ng Adbiyento. Ang huling Linggo ng taon ay nagpapahiwatig sa atin ng wakas ng panahon. Ang lahat ay magwawakas, pati na ang panahon at ang mundong ito. Sa wakas ng panahon mahahayag na ang paghahari ng Diyos. Sa takbo ng panahon natin ngayon, para bagang nananalo ang kasamaan. Dumadami ang digmaan, at mga digmaan na ang tinatarget ay ang mga mahihina at mga civilians. Kumakalat ang kasinungalingan at may mga taong ang hanap buhay ay ipalaganap ang fake news. Sa ngalan ng kaunlaran maraming mga mahihirap ang naaapi, tulad ng pagmimina at mga reclamation projects. Ang mga ito ay ginagawa sa pangalan ng kaunlaran pero ang mga maliliit na mangingisda at magsasaka ang nawawalan ng hanap buhay. Sa takbo ng ating panahon ngayon, parang natatalo ang kabutihan. Pero hindi! Naniniwala tayo na sa bandang huli magwawagi ang kabutihan, ang katotohanan, at ang katarungan. Darating ang kaligtasan. Magwawagi si Jesus! Maghahari siya! Tatalunin niya ang kasamaan, pati na ang kamatayan. Bubuhayin niya ang lahat. Si Jesus ay ang maawaing hari at makatarungang hukom.
Darating si Jesus bilang isang mabuting pastol. Ito ang sinulat ni propeta Ezekiel. Dadalhin tayo sa mainam na pastulan. Titipunin niya ang kanyang tupa na ngayon ay nagkawatak-watak. Hahanapin niya ang nawawala at gagamutin niya ang mga maysakit. Palalakasin niya ang mahihina. Kaya huwag natin katakutan ang wakas. Ang dakilang hari natin ay isang mabuting pastol. Darating siya upang buohin na ang gawain ng kaligtasan. Ililigtas niya tayo.
Pero ang haring mabait ay makatarungan din. Ang mga mayayabang at makapangyarihan ay kanyang tatalunin. Paghihiwalayin niya ang mga tupa at ang mga kambing, ang mabubuti at ang masasama. Hahatulan niya ang lahat at ang hatol niya ay makatarungan. Mananagot ang lahat! May mga makapangyarihang mga tao na mayayabang na akala nila ay makakaiwas sila na managot. Natatakot nila ngayon at nabibili pa ang marami. Nalilinlang nila ang mga tao. Hindi nila ito magagawa sa harap ng dakilang Haring si Jesus. Makatarungan siya. Mananagot ang bawat isa sa atin sa harap niya.
Lahat tayo ay kinakabahan pagdating ng mga tests at examinations. Kinakabahan tayo kasi hindi natin alam ang itatanong kaya nangangapa tayo kung ano ang pag-aaralan. Itatanong ba ito o hindi? Ayyy! Kung alam lang natin ang tanong maipaghahanda na natin ang sagot! Mabait ang Diyos. Sa Final Test, sa pinakaimportang pagsusulit ng ating buhay kung saan nakasalalay ang ating walang hanggang kalagayan, hindi tayo susurprisahin ng Diyos. Sinabi na niya ang itatanong sa atin. Kailangan lang natin ngayon na ipaghanda ang sagot natin. Ang pinakatanong sa atin ay: ano ang ginawa natin sa mga maliliit na tao, sa mga taong isinasantabi, sa mga nasa laylayan ng lipunan? Kung ano ang ginawa natin sa kanila o hindi natin ginawa sa kanila ay ginawa natin sa kanya o hindi natin ginawa sa kanya. Jesus identifies himself with the poor and the lowly.
Pinapasok sa langit na inihanda para sa mga mabubuti ang nasa kanan niya, iyong mga tupa, kasi pinakain, pinainom, dinalaw, pinagbigyan, inunawa, tinulungan ang mga nangangailangan. Kasi kung ano ang ginagawa natin sa mga aba ay ginagawa natin kay Jesus. Ang mga nasa kanyang kaliwa, ang mga kambing, ay itatapon sa impiyerno, na hindi ginawa sa mga tao kundi para sa mga demonyo, kasi hindi nila pinansin, tinulungan at pinaglingkuran ang mga maliliit na tao. Ang impiyerno ay hindi lang sa mga gumagawa ng masama, sa mga mamamatay na tao, sa mga kurakot, at sa mga nangangalunya. Doon din pupunta ang hindi gumagawa ng kabutihan sa mga mahihirap. Kaya, huwag lang natin iwasan na hindi gumawa ng masama. Pagsikapan din natin na gumawa ng kabutihan.
Noong nakaraang linggo ipinagdiwang natin ang World Day of the Poor. Inihanda tayo noong nakaraang Linggo sa kapistahan ni Kristong Hari ngayong Linggo. Pinaalaala sa atin noong linggong iyon ang kahalagahan ng mga mahihirap. Talagang mahalaga sila kasi sila ang daan natin patungo sa Panginoong Jesus. Nakakalapit tayo kay Jesus at natatamo natin ang kaligtasan at ang buhay na walang hanggan sa pagpansin at pangangalaga sa kanila. Ibig natin maging malapit kay Jesus? Maging malapit tayo sa mahihirap. Huwag nating ipaubaya ang pagtulong sa mahihirap sa DSWD o sa mga NGOs. Magsikap din tayo sa ating sarili na tumulong sa kanila.
Ang isang pangamba natin na tumulong sa mahihirap ay baka tayo pagsamantalahan, baka niloloko tayo. Totoo, may mga nagsasamantala sa kabutihan ng kanilang kapwa. Pero huwag tayong matakot. Kung ang intensiyon natin ay tumulong sa mahihirap at tayo ay pinagsamantalahan ng taong iyan, hindi nasayang ang tulong natin. Talagang tumulong tayo kay Jesus. Kawawa ang nagsamantala sa atin. Akala niya naisahan niya tayo – malaki ang pananagutan niya na ang tulong para kay Jesus ay kanyang inagaw sa panlilinlang niya.
Ang pagtulong natin sa mahihirap ay gawin nating regular. Maging bahagi na ito ng takbo ng ating buhay. Ito ang itinatanim na ugali ng programa nating Pondo ng Pinoy. Ang mahalaga dito ay ang araw-araw nating pagtatabi ng kahit maliit para sa mahihirap. Araw-araw naiisip natin ang mahihirap at konkretong tinutulungan natin sila sa pagtatabi ng ating piso para sa kanila. Ang mga nakolekta natin sa Pondo ng Pinoy ay ating inaalay sa Banal na Misa. Ang ating pagtatabi ng pera ay inuugnay natin sa pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili na siyang pinagdiriwang natin tuwing Misa. Ito rin ang ibig sabihin ng ating pag-aalay ng ating balik-handog sa Banal na Misa. Nagiging mahalaga ang ating alay kasi ito ay isinasama natin sa pag-aalay ni Jesus.
Mga kapatid, huwag tayo magumon sa mundong ito at sa buhay natin dito. Ang mga ito ay magwawakas. Pero huwag din tayo matakot sa wakas. Si Jesus ang makakatagpo natin. Sinusundo tayo ni Jesus upang dalhin sa pastulan na kanyang inihanda para sa atin. Pero makakapasok tayo sa pastulang iyan kung ngayon ay sinisikap nating paglingkuran at makiisa kay Jesus sa pagtulong natin sa mga mahihirap at sa mga aba. Ugaliin natin na palaging tulungan si Jesus.