28,382 total views
Muling nagpasalamat si healing priest, Fr. Joey Faller sa mga mabubuting pusong tumulong upang maipatayo ang Healing Church of the Risen Christ sa Kamay ni Hesus sa Lucban, Quezon.
Kasabay ito ng unang anibersaryo ng pagtatalaga sa bahay-dalanginan na ipinagdiwang sa pamamagitan ng Misa pasasalamat na pinangunahan ni Lucena Bishop Mel Rey Uy.
Ayon kay Fr. Faller, maituturing na biyaya ng Diyos ang makapagpatayo ng simbahan upang tanggapin ang mga mananampalatayang naghahangad ng kagalingan mula sa Panginoon.
“Talagang napakahirap magpagawa ng simbahan sa panahon ng pandemya, na wala kang koleksyon, walang taong sumisimba, at talagang ito ay itinayo ng mga may karamdaman para sa mga may karamdaman,” pahayag ni Fr. Faller sa panayam ng Radio Veritas.
Tinagurian bilang healing dome, ang Healing Church of the Risen Christ ay natapos at itinalaga noong November 21, 2022, at mayroong kakayahang tumanggap ng higit 1,000 mananampalataya.
Hinikayat naman ni Fr. Faller ang mga mananampalataya na dumalaw at magsimba sa healing dome upang tanggapin ang biyaya at kagalingan ng Panginoon.
“Mga kapanalig, manalig kayo na may magandang plano ang Diyos sa inyo. Manalig kayo na mahal kayo ng Diyos. Manalig kayo na kaya kayong pagalingin ng Panginoon ano man ang inyong mga karamdaman, ano man ang inyong pinagdaraanan. Pumunta lang po kayo rito at damhin ang pagpapagaling ng Panginoon. Walang imposible sa Panginoon. Manalig ka, pinagaling ka dahilan sa iyong pananalig,” ayon kay Fr. Faller.
Araw-araw, tuwing alas-nuebe ng umaga ay isinasagawa sa Kamay ni Hesus ang Healing Mass sa pangunguna ni Fr. Faller.