104,160 total views
Sabi nila, isa sa mga pinakadakilang aksyon na magagawa natin sa ating buhay ay ang pagtatanim ng puno. Hindi man natin maramdam sa ating lifetime ang buong benepisyo nito, ang punong ating tinanim ay sasalba ng buhay ng mga susunod pang henerasyon. Kaya lamang, malawak na ang deforestation sa ating bansa. Kailangan na natin kumilos bago pa mahuli ng lahat.
Kailangan nating kumilos ng sama sama. Sa pamamagitan nito, maaaring mabawasan at mapigilan ang deforestation. Tayo ay may tungkuling itaguyod at pangalagaan ang kagubatan para ating mapanatili ang kasaganaan at kagandahan ng bansa.
Isa sa pangunahing dahilan ng deforestation sa Pilipinas ay ang illegal logging, na ginagawa kapalit ng pansariling interes at kita. Ang mga illegal loggers ay nagpapatuloy sa kanilang operasyon nang hindi naisasaalang-alang ang long-term na epekto nito sa kalikasan.
Ang pagputol ng mga puno para sa kahoy, lupaing agrikultural, at iba pang pangangailangan ng tao ay umuubos ng kagubatan. Ang kakulangan sa wastong regulasyon at implementasyon ng batas ukol sa pagputol ng puno ay nagpapalala pa sa problemang ito. Dahil dito, mabilis na nawawala ang mga natural na yaman ng bansa.
Ang deforestation ay malubha ang epekto sa biodiversity ng Pilipinas. Maraming uri ng halaman at hayop ang naninirahan sa kagubatan, at ang pagkawala ng kanilang tirahan ay nagdudulot ng pagkaubos sa kanilang populasyon. Ang mga endemikong uri na matatagpuan lamang sa Pilipinas ay nanganganib na mawala, at ito’y nagbubunga ng malawakang epekto sa ecological balance.
Bukod dito, ang deforestation ay nagdudulot din ng pagbabago sa klima. Ang kagubatan ay nagbibigay ng natural na proteksyon laban sa pag-ulan at baha, at ang pagkawala nito ay nagreresulta sa mas malalang pagbaha at pagguho ng lupa. Ang epekto nito sa mga komunidad ay hindi lamang sa aspeto ng ekolohiya kundi pati na rin sa ekonomiya at kalusugan.
Ang suliraning dulot ng deforestation ay nangangailangan ng agarang aksyon mula sa pamahalaan, sektor ng negosyo, at mamamayan. Ang pagpapatupad ng mahigpit na batas laban sa illegal logging, pagtutok sa reforestation projects, at pagbibigay ng edukasyon sa publiko ukol sa kahalagahan ng kagubatan ay ilan lamang sa mga hakbang na maaaring gawin upang mapanatili ang kagandahan at kahalagahan ng likas-yaman ng Pilipinas.
Tayong lahat ay may tungkuling itaguyod at pangalagaan ang kagubatan upang mapanatili ang kasaganaan at kagandahan ng bansa. Ang pagkasira ng ating kalikasan ay pagkasira rin ng ating bansa. Ayon nga sa Laudato Si: The human environment and the natural environment deteriorate together.
Sumainyo ang Katotohanan.