85,125 total views
Hindi natin nabibigyang pugay, kapanalig, ang bahagi ng kababaihan sa agricultural sector ng ating bayan. Tinatayang 25% ng mga agricultural workers natin ay babae.
Mahalaga ang papel ng mga babae sa pagsasaka at pangingisda. Marami sa kanila ay nagsasaka din, nag-aalaga ng hayop, at namamahala sa proseso ng pagbebenta at pagmamarket ng mga produkto. Kahit malaki ang kanilang ambag sa pagsulong ng sektor, marami sa kanila ang dehado. Dehado sa sweldo at dehado sa access sa mga resources, serbisyo at financing.
Sa sweldo, may pay-gap sa pagitan ng babae at lalake sa sektor. Mas malaki ang tanggap ng lalakeng manggagawa kaysa babaeng manggagawa.
Sa access sa resources, mula 2008 hanggang 2015, 13.8% lamang ng mga babaeng agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang nagawaran ng emancipation titles. 32% lamang ng mga ARBs na may Certificate of Land Ownership Agreements ay babae.
Maliban sa mga hamon na ito sa trabaho, marami ring hamon ang mga kababaihan sa bahay. Dagan dagan sila ng mga multiple burdens o pasanin– liban sa paghahanap buhay, sila din ay responsable sa mga gawaing bahay at pangangalaga ng mga bata at elderly sa kanilang tahanan.
Upang matugunan ang mga hamong ito, kailangang suriin mabuti ng pamalahaan ang mga patakaran at programa nito para sa gender equality sa trabaho, sa agrikultura, at sa tahanan. Dapat bigyang prayoridad ang pagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa edukasyon at training sa mga kababaihan upang mapalakas ang kanilang kasanayan at kakayahan sa larangan ng trabaho at agrikultura. Bukod dito, mahalaga rin ang pagtataguyod ng mga proyektong makakatulong sa mga kababaihan sa agrikultura, tulad ng pagbibigay ng access sa credit facilities, teknolohiya, at iba pang suporta na makakatulong sa kanilang pag-unlad.
Sa pagtataguyod ng karapatan at papel ng mga kababaihan sa agrikultura, hindi lamang sila ang nakikinabang kundi ang buong lipunan. Ang pagkakaroon ng pantay na oportunidad para sa lahat, kahit ano pa ang kasarian, ay isang hakbang patungo sa mas makatarungan at mas maunlad na lipunan. Sabi nga sa Rerum Novarum: the interests of all, whether high or low, are equal.
Sumainyo ang Katotohanan.