1,227 total views
Ang Mabuting Balita, 15 Nobyembre 2023 – Lucas 17: 11-19
KABALINTUNAAN
Sa paglalakbay ni Jesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila sa malayu-layo at humiyaw ng: “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”
————
Ito ay isang kaganapan at hindi isang talinghaga tulad ng talinghaga ng Mabuting Samaritano. Sa sampung ketongin, isa lamang ang bumalik upang purihin ang Diyos at pasalamatan si Jesus. Ang KABALINTUNAAN nito ay – kung sino pa ang tinatawag ng mga Judio na mga kalahating-lahi at mga pagano, sapagkat nagtayo sila ng sarili nilang templo, siya ang kaisa-isahang bumalik sa sampu.
Sana, hindi tayo mapabilang sa mga nagbabale-wala ng mga biyayang tinatanggap natin mula sa Diyos araw-araw, mula umaga hanggang gabi. Sana, hindi tayo mapabilang sa mga napakahilig magnobena upang humingi ng mga natatanging pabor, ngunit pagkatapos matanggap ito, hindi man lang makaalala magpasalamat sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, at hindi namumuhay ng may utang na loob (pagbahagi sa iba ng mga biyayang tinatanggap mula sa Diyos). Kung sa pagtatapos ng araw, binibilang natin ang mga biyayang tinanggap natin mula sa Diyos, magugulat tayong makita na lagi niya tayong inaalagaan, mula sa paggising sa umaga hanggang sa paggising natin sa susunod na umaga.
O Diyos, tunay kang mapagmahal at maawain! Salamat mula sa kaibuturan ng aming puso!