1,548 total views
Ang Mabuting Balita, 16 Nobyembre 2023 – Lucas 17: 20-25
PINAKAMABUTING KALAGAYAN
Noong panahong iyon, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan itatatag ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Ang pagsisimula ng paghahari ng Diyos ay walang makikitang palatandaan. At wala ring magsasabing nagsisimula na roon o rini. Sapagkat ang totoo’y nagsimula nang maghari ang Diyos sa puso ng mga nananalig sa kanya.”
At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahong hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo makikita iyon. At may magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narini siya!’ Huwag kayong pumunta upang siya’y hanapin. Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao’y darating na parang kidlat. Ngunit kailangan munang magbata siya ng maraming hirap, at itakwil ng mga tao sa ngayon.”
————
Ang mga kaharian dito sa mundo ay mayroong pinuno, teritoryo, mga batas, at mga mamamayan. Lahat ng ito ay mayroon sa Kaharian ng Diyos sapagkat siya ang pinuno; may teritoryo na walang hangganan; ang mga utos niya ang mga batas; ang mga mamamayan ay ang kanyang mga tagasunod. Gayunpaman, may malaking kaibahan ang Kaharian ng Diyos sa kaharian dito sa mundo, sapagkat ang pinuno nito ay ang makapangyarihan sa lahat, may pinakamalawak na sinasakupang teritoryo kabilang ang mga teritoryo ng mga kaharian dito sa lupa, ang mga batas ay perpekto, at ang puso ng bawat mamamayan ay mahalagang nakahanay sa espiritu ng tagapamuno.
Maraming kaharian dito sa mundo ang naglaho na sapagkat nawalan na ng kahalili ang pinuno pagkamatay nito, at sa mga nananatili pa, kabahagi nila sa pagpapatakbo at pamumuno ng kaharian ay mga politikong katapat nila. Ngunit, ang Kaharian ng Diyos ay walang katapusan. Ito ay mananatiling walang hanggan sapagkat hindi namamatay ang pinuno, at ang mga tapat na mamamayan ay tiyak na makakapiling ng pinuno magpasawalang hanggan. Kung iisipin natin, ang mundo sana natin ay higit na nasa PINAKAMABUTING KALAGAYAN kung lahat lang tayo ay bahagi ng Kaharian ng Diyos.
Panginoon, tulungan mo kami maging matapat na mamamayan ng iyong Kaharian!