2,662 total views
Ang Mabuting Balita, 22 Nobyembre 2023 – Lucas 19: 11-28
KAISA-ISANG PANGINOON
Noong panahong iyon, isinaysay ni Jesus ang isang talinghaga sa mga nakarinig ng una niyang pangungusap. Ginawa niya ito sapagkat malapit na siya sa Jerusalem, at ang akala ng mga tao ay itatatag na ang kaharian ng Diyos. Sabi niya: “May isang mahal na taong nagtungo sa malayong lupain upang gawing hari at magbalik pagkatapos niyon. Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin. Binigyan niya ang mga ito ng tig-iisang salaping ginto at sinabihan sila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa pagbabalik ko.’ Poot na poot naman sa kanya ang kanyang mga kababayan, kaya’t pagkaalis niya, nagsugo sila ng mga kinatawan upang sabihin sa kinauukulan: ‘Ayaw naming maging hari ang taong ito!’ “Ngunit ginawa ring hari ang taong iyon. Umuwi siya pagkatapos, at ipinatawag ang mga aliping binigyan niya ng salaping ginto, upang malaman kung gaano ang tinubo ng bawat isa. Lumapit sa kanya ang una at ang sabi, ‘Panginoon, ang salapi ninyong ginto ay nagtubo ng sampu.’ ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Yamang naging matapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa sampung bayan.’ Lumapit ang ikalawa at ang sinabi, ‘Panginoon, ang inyong salaping ginto ay nagtubo ng lima.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Mamamahala ka sa limang bayan.’ Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Panginoon, heto po ang inyong salaping ginto. Binalot ko po sa panyo at itinago. Natatakot po ako sa inyo, sapagkat napakahigpit ninyo; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo, at inaani ang hindi ninyo inihasik.’ Sinagot siya ng kanyang panginoon, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan kita hahatulan. Alam mo palang ako’y mahigpit. Sinabi mo, kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko inihasik. Bakit hindi mo inilagay sa bangko ang aking salapi? Pagbabalik ko, sana’y may tinubo ang puhunang ito.’ At sinabi niya sa mga naroroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang salaping ginto, at ibigay sa may sampu.’ ‘Panginoon, siya po’y mayroon nang sampung salaping ginto!’ wika nila. ‘Sinasabi ko sa inyo: ang bawat mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Tungkol naman sa mga kaaway kong aayaw na ako’y maghari sa kanila – dalhin ninyo dito at patayin sa harapan ko!’”
————
Dinala tayo ng Diyos dito sa mundo at binigyan ng mga kakayahan na kailangang gamitin para sa ikauunlad ng sangkatauhan, ng mundo. Hindi natin alam kung kailan babalik ang Panginoong Diyos at itatanong kung paano natin ginamit ang mga kakayahang ibinigay niya sa atin. Marahil nagtatanong tayo: Anong klaseng Diyos meron tayo? Nilikha tayo, binigyan ng kakayahan, pagkatapos itutulak tayo na gamitin ang mga binigay niya upang gampanan ang ating papel sa pag-unlad ng mundo?
Marahil ang tanong na ito ay hindi lamang ng ilan sa atin, kundi marami sa atin. Kung ganito tayo mag-isip, marahil ito ay dahil hindi natin makita ang kahulugan ng ating buhay. Sinikap ba nating hanapin ang kahulugan ng buhay? Kung ganito tayo mag-isip, marahil dahil nag-iisip tayo bilang tao. Ang pag-iisip natin ay hindi maaaring maging pag-iisip ng Diyos. Siya ay Diyos. Hindi tayo Diyos. Kung ganito tayo mag-isip, marahil ito ay dahil hindi natin natatanto na napakalaking pribilehiyo at napakalaking karangalan ang malikha at mapili ng KAISA-ISANG PANGINOON!
“Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay.” (Isaias 49: 16)
Maraming salamat Panginoon, sa napakalaking pribilehiyo!