2,717 total views
Ang Mabuting Balita, 24 Nobyembre 2023 – Lucas 19: 45-48
MAS ABALA
Noong panahong iyon, pumasok si Jesus sa templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda. Sinabi niya sa mga ito, “Nasusulat: ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyong ‘pugad ng mga magnanakaw.’” Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng templo. Pinagsikapan ng mga punong saserdote, ng mga eskriba, at ng mga pangunahin ng bayan ng siya’y ipapatay. Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito, sapagkat taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
————
Bakit sinabi ni Jesus na ginagawa nilang “pugad ng mga magnanakaw” ang templo sa halip ng bahay-dalanginan. Ito ay sapagkat napakarami nilang gawi kaugnay ng kanilang mga rituwal, tulad ng pag-alay ng mga hayop, pagbayad ng buwis ng templo, atbp.. Ang kapaligiran ng templo ay puno ng mga nagtitinda ng hayop at nagpapalit ng pera. Isipin na lang natin ang inggay nito at marahil may tawaran pa na nagaganap dito. Isipin na lang natin, paano na ang mga mahihirap na walang pambayad sa hayop at pambayad ng buwis? Para na rin nilang ninanakawan ang mga mahihirap!
Kung ang ating mga simbahan ay MAS ABALA sa paglikom ng pera kaysa sa pagsamba at mga “pastoral” na bagay, marahil, kailangan nating pagnilayan ang pagbasang ito. Kung ang pagdalo natin sa mga misa ay pagtupad lamang ng obligasyon o pagpapakitang-tao at hindi upang pagyamanin ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos nang ito ay magkaroon ng epekto sa ating pang-araw-araw na buhay, marahil kailangan nating pagnilayan ang pagbasang ito. Kung ipinahahayag natin na tayo ay Kristiyano ngunit ang buhay natin ay puno ng pagiging aligaga sa mga materyal na bagay na nais natin para sa ating sarili, marahil, kailangan nating pagnilayan ang pagbasang ito.
Tulungan mo kami Panginoon, na gawing iyong templo ang aming puso!