40,944 total views
Magsasagawa ng “Bike for Peace” ang Diyosesis ng Kidapawan bilang bahagi ng paggunita ng Mindanao Week of Peace sa ika-30 ng Nobyembre, 2023 hanggang ika-anim ng Disyembre, 2023.
Inaasahang pangungunahan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang gawain na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace.
Paliwanag ng Obispo, layunin ng gawain na maipakita at maipamalas ang pagkakaisa at kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao sa pamamagitan ng nagkakaisang paglalabay ng mga makikilahok sa nakatakdang gawain.
Ayon kay Bishop Bagaforo, libre at bukas ang Bike for Peace para sa lahat ng mga nais na makibahagi sa gawin maging para sa iba’t ibang mga relihiyon at denominasyon sa lugar.
“We hope that through this event, we can send a strong message of peace and unity to the people of Mindanao… We believe that peace is not just the absence of conflict, but the presence of justice, respect, and understanding.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Nakatakda ang gawain sa ikalawa ng Disyembre, 2023 ganap na alas-sais ng umaga na may temang “Bike for Peace: Let Justice and Peace Flow”
Magsisimula ang 120-kilometrong pagbibisikleta sa Kidapawan Cathedral Gym patungo sa mga Munisipalidad ng Magpet at President Roxas.
Ginugunita ang Mindanao Week of Peace tuwing huling Huwebes ng Nobyembre hanggang unang Miyerkules ng Disyembre alinsunod sa Presidential Proclamation No. 127, s. 2001 na naglalayong kilalanin at isulong ang matagal ng hinahangad na kapayapaan, at pagkakaisa sa rehiyon ng Mindanao.