33,263 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa bawat diyosesis, relihiyoso, mga lingkod ng Simbahan at mga mananampalataya na makibahagi sa paggunita ng Red Wednesday ng Aid to the Church in Need sa ika-29 ng Nobyembre, 2023.
Ayon kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang taunang gawain ay isang pambihirang pagkakataon upang sama-samang alalahanin at bigyang pugay ang mga Kristiyanong dumaranas ng pag-uusig at pinapaslang sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Napiling tema ng Red Wednesday Campaign ngayong taon ang ‘Embracing Persecuted, Oppressed and Christians in Need’ na layuning higit na palaganapin ang kamalayan ng bawat isa sa kalagayan at kapakanan ng mga inuusig na Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Dear brother and sisters in Christ, once again I just want to remind you that we are observing our annual Red Wednesday this year 2023 on November 29th with the theme “Embracing Persecuted, Oppressed, and Christians in Need”. This is our annual remembrance of the suffering Church and persecuted Christians worldwide. ” Ang bahagi ng paanyaya ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Pagbabahagi ni Bishop David, bilang kasapi ng iisang Simbahan at magkakapatid sa Panginoon ay naaangkop lamang na magkaisa ang lahat ng mga Kristiyano upang ipanalangin, alalahanin at bigyang pugay ang bawat isa lalo’t higit ang mga dumaranas ng pagdurusa dulot ng pag-uusig dahil sa kanilang paniniwala at pananampalataya.
“This year’s theme is drawn from the pastoral direction of the Universal Church through the Synod on Synodality. ACN believes that the Local Church journeys with the persecuted and oppressed Christians in need and embraces their experiences.” Dagdag pa ni Bishop David.
Nakatakda ang ‘Evening Eucharistic Celebration for Persecuted Christians in the Philippines and Worldwide’ sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral na pangungunahan ni Msgr. Bernardo Pantin ang secretary general ng CBCP ganap na alas-sais ng gabi na susundan ng pagpapailaw ng kulay pula sa Simbahan bilang pag-pupugay sa mga inuusig na Kristiyano sa buong mundo.
Matatandaang Enero ng taong 2020 ng aprubahan ng CBCP ang institutionalization ng Red Wednesday Campaign ng Aid to the Church in Need kung saan bahagi na ng taunang selebrasyon ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang pananalangin, pag-alala at pagbibigay pugay sa mga inuusig na Kristiyano sa buong daigdig.