29,862 total views
Lumagda sa kasunduan ang Caritas Philippines at Department of Environment and Natural Resources – Ecosystems Research and Development Bureau (DENR-ERDB) upang higit na pagtibayin ang programang pagtatanim ng mga kawayan sa buong bansa.
Ito ay ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa Caritas Philippines Bamboo Forest Project na mahalagang hakbang upang wastong maipatupad at maisulong ang inisyatibong pangangalaga sa inang kalikasan.
Umaasa si Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na sa pamamagitan ng kasunduan ay higit pang maipalaganap ang pagbuo ng bamboo sanctuary sa 86 diyosesis sa buong bansa.
“We look forward with the partnership that we have with the government through the DENR na lahat ng dioceses—86 dioceses all over the Philippines—we can always assume and conclude na maging successful ito so that the whole Philippines will be a bamboo country in Asia,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Nagagalak naman si DENR-ERDB Assistant Director Conrado Marquez na maibabahagi ng ahensya ang kakayahan at kaalaman tungkol sa bamboo propagation lalo na sa mga pamayanang madalas na dinadaan ng mga sakuna at kalamidad.
Pangako ni Marquez ang pagsuporta ng DENR-ERDB sa lahat ng inisyatibo at programa ng simbahan sa pangangalaga at pagpapanatili ng kapaligiran lalo na sa mga kagubatan sa bansa.
“It’s an honor and privilege, I should say that we accept this request for partnership and particulary for us to provide the needed technical assistance in Caritas Philippines Bamboo project… We would like to thank Caritas Philippines for giving us the confidence to provide the technical assistance they need,” ayon kay Marquez.
Maliban kina Bishop Bagaforo at Marquez, kasama ring lumagda sa MOU sina Caritas Philippines executive director Fr. Antonio Labiao, Jr; at DENR-ERDB Supervising Admin Officer Danilo Sabiniano.
Nasimulan na ang proyekto sa Arkidiyosesis ng Capiz at Jaro, Iloilo, at Diyosesis ng San Carlos, Negros Occidental sa tulong ng United States Agency for International Development o USAID katuwang ang Gerry Roxas Foundation.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa halos 33-ektaryang lupain ang napakinabangan ng Caritas Philippines para maging taniman ng mga kawayan.