2,266 total views
Ang Mabuting Balita, 27 Nobyembre 2023 – Lucas 21: 1-4
ANG PUSO
Noong panahong iyon, nang tumingin si Jesus, nakita niya ang mayayamang naghuhulog ng kanilang kaloob sa lalagyan nito sa templo. Nakita rin niya ang isang dukhang babaing balo na naghulog ng dalawang kusing. Ang wika ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit kaysa kanilang lahat. Sapagkat bahagi lang ng di na nila kailangan ang kanilang ipinagkaloob, ngunit ibinigay ng balong iyon na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”
————
Hindi kung magkano ang ating ibinibigay ang mahalaga, kundi ANG PUSO na kasama sa pagbibigay ang nagbibigay ng halaga. Mayroong iba sa atin na nagyayabang na malaki ang kanilang mga abuloy sa Simbahan. Hindi ito isang bagay na maipagmamalaki, sapagkat lahat ng mayroon tayo ay nagmumula sa Diyos: ang ating talino, ang ating galing sa negosyo, ang ating lakas, atbp.. Wala tayong maaaring angkinin na nagmula sa atin. Kaya nga ba’t hinihimok tayo ni Jesus na magbigay sa kapwang nangangailangan. Huwag nating isipin na sapagkat tayo ay nakapagbibigay ng higit sa iba, tayo ay mas mabuti at mas may utang na loob sa Diyos. Nakikita ng Diyos ang nasa puso natin. Siya lamang ang maaaring humusga. Gayunpaman, kung mas higit ang ating natatanggap na biyaya, hindi ba’t tama lamang na mas higit ang ating ibibigay?
Panginoon, nawa’y lagi naming alalahanin na ang lahat ay nagmumula sa iyo!