29,020 total views
Hinimok ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) ang mga manggagawa na iwaksi ang pagbibenta ng kaso.
Ito ang paalala ni AMLC Minister Father Eric Adoviso sa mga kaso ng pagtanggap ng manggagawa ng pera mula sa kanilang mga employers sa halip na ipagpatuloy ang kaso matapos makaranas ng hindi makataong pagtrato.
“Hindi nais ng Panginoon na ang tao, kayo po, na tayo ay naghihirap, hindi kalooban ng Diyos na tayo ay naghihirap, tandaan niyo po iyon hindi kalooban ng Diyos na kayo ay pinagsasamantalahan, hindi kalooban ng Diyos na tayo ay inaapi, na minsan sasabihin natin ‘tanggapin ko nalang ito baka ito yung pagsubok ng Diyos,’ hindi po pagsubok ng Diyos yan ang may kagagawa po niyan yung mga nagsasamantala sa atin,” ayon sa mensahe ni Father Adoviso.
Ayon pa sa Pari, mahalaga ang pagsasampa ng kaso dahil maipaparating sa mga mapagmalabis na employers na hindi nabibili ang katahimikan ng sektor ng mga manggagawa .
Una naring nakiisa ang AMLC sa mga apela na itakda sa 1,170-pesos ang minimum wage na kapantay ng family living wage base pag-aaral ng Ibon Foundation upang makasabay ang gastusin ang kita ng mga manggagawa.
“Yun ang challenge sa atin, yung hamon sa atin, palagay ko yung simbahan at saka po yung manggagawa ay magsama-sama para magkatulungan tayo, kung paano kokomprontahin ito, itong problemang malaki, ang problema kasi, yung straktura ng sistema ng katarungan, mabagal,” ayon pa sa mensahe ni Father Adoviso.
Ang mensahe ay ipinarating ng Pari sa idinaos na Church People Workers Solidarity o CWS Forum kung saan tinipon ng CWS ang ibat-ibang grupo ng mga manggagawa sa Pilipinas at Metro Manila upang makipag-diyalogo sa isat-isa.
Sa gawain ay inihayag ang mga suliranin na pangunahing kinakaharap ng mga manggagawa at kung paano ito tutugunan kung saan naging tampok na tagapagsalita ang mga grupong Kilusang Mayo Uno, Manila Workers Union at Defend Jobs Philippines.