86,355 total views
Isa sa mga dahilan kung bakit mabagal ang pag-usad ng ating bayan ay dahil din sa bagal ng pag-usad ng maraming mga kanayunan sa ating bayan. Marami pa ring naghihirap sa maraming mga probinsya sa ating bayan.
Sa mga rehiyon sa ating bansa, ang BARMM o Bangsamoro Autonomous in Muslim Mindanao ay ang may pinakamataas na poverty incidence, at sumusunod dito ang CARAGA, Zamboanga Peninsula, at Eastern Visayas. Nasa 37.2% ang poverty incidence sa BARMM, 33.2% naman sa CARAGA, at 30.1% sa Zamboanga Peninsula. Ang Central Visayas naman, malaki ang tinaas ng poverty incidence. Mula 17.7% noong 2018, naging 27.6% ito nitong 2021.
Kapanalig, kailangan nating bigyang pansin ang maraming kanayunan sa ating bansa na naiiwanan sa pag-usad ng ating bayan. Ang mga rehiyon na ito ay ay bulnerable sa mga extreme weather and disasters. Sa katunayan, nitong mga nakaraang araw, ang Eastern Visayas ay nakaranas ng matinding pagbabaha kung saan higit pa sa 14,000 na pamilya ang nadisplace.
Maliban sa mga natural na sakuna, hirap din ang mga mamamayan sa mga mahihirap na rehiyon makakuha ng hanapbuhay na magbibigay ng sapat na kita. Ang mga mga mangingisda at magsasaka na naninirahan sa mga rural areas ng bayan ang pinakamahirap na sektor sa ating bayan. Karaniwang kumikita ang mga magsasaka ng mga P330 kada araw, pero sa Central Visayas, mga P276 kada araw lamang.
Hirap din ang maraming mamamayan sa kanayunan na maka-access sa mga batayang serbisyo, gaya ng edukasyon at kalusugan. Mas apektado nito ang mga bata, na isa sa mga sektor din na pinakamahirap sa ating bayan, lalo na sa mga rural areas. Tinatayang mga 70% ng mga Pilipinong nasa rural areas ay hirap o limitado ang access sa inpatient and out-patient health services.
Kapanalig, panahon na upang maramdaman naman ng ating mga kababayan sa mga rural areas na kasama sila sa pagsulong ng bayan. Kailangan maramdaman nila na ang mga batayang serbisyo ay abot-kamay lamang nila. Kailangan nila ng mas maraming pagkakataon upang madagdagan ang kanilang kaalaman at kasanayan, at mas maraming oportunidad upang kumita ng sapat para sa kanilang pamilya.
Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit napag-iiwanan ang maraming mga kanayunan sa ating bayan ay ang kakulangan sa imprastraktura. Maraming kanayunan ang hindi pa rin nabibigyan ng sapat na kalsada, irigasyon, at serbisyong pangkalusugan. Ang ganitong kawalan ng imprastruktura ay nagiging sagabal sa pag-unlad ng kanayunan. Kaya’t sana, sa mga kanayunan naman tayo magdagdag ng mga kalye, mga health facilities, mga markets, at iba pa. Kung magagawa natin ito, mas mabilis at madali ang access ng mga mamamayan sa mga serbisyong magbibigay ginhawa at tulong sa kanilang buhay.
Isa sa mga prinsipyo ng ating pananalig ay ang option for the poor o pagtatangi sa mga maralita. Sabi nga Evangelium Vitae: there is an inseparable bond between our faith and the poor. May we never abandon them. Hindi tama, hindi makatarungan, na maging bulag tayo o manhid sa mga dinadanas ng ating mga kababayang naghihirap sa mga kanayunan. Hindi natin tunay na maabot ang kaunlaran o kaganapan ng ating pagkatao at ng sangkatauhan kung lagi tayong may iniiwan sa laylayan.
Sumainyo ang Katotohanan.