1,845 total views
Ang Mabuting Balita, 2 Disyembre 2023 – Lucas 21: 34-36
MAPAGBANTAY
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
————
Ang mga patibong ay nilalagay upang mahuli ang mga hayop pati ng mga tao, at ang mga nahuhuli nito ay yaong mga hindi MAPAGBANTAY sapagkat wala silang kamalay-malay na mayroong naglagay ng patibong para sa kanila. Kung tayo ay walang kamalay-malay na napakaraming patibong ang ikinakalat ng demonyo sa ating paligid dahil masyado tayong walang pakialam sa mga tao at mga nagaganap sa ating kapaligiran, tayo ay magugulat na lamang tulad ng mga taong aksidenteng nakayapak ng mina at namatay. Sa pamumuhay ng buhay na ibinigay sa atin ng Diyos, hindi natin maaaring itapon na lang sa hangin ang lahat, sapagkat ang ating buhay ay hindi ibinigay ng Diyos upang itapon.
Panginoon, turuan mo kaming mamuhay ayon sa iyong kalooban!