72,996 total views
Mga Kapanalig, sa harap ng balitang inuudyukan ng Kamara si Pangulong Bongbong Marcos Jr na makipagtulungan ang kanyang administrasyon sa imbestigasyon ng International Criminal Court (o ICC) tungkol sa war on drugs ni dating Pangulong Duterte, pinaalalahanan ni Vice President Sara Duterte ang mga mambabatas na respetuhin ang desisyon ng pangulo na hindi pahintulutan ang pagsisiyasat ng mga ICC prosecutors.
Aniya, kahihiyan ang dala nito sa ating mga hukuman. Pagpapakita raw ito na “tayo ay naniniwala na mga dayuhan lang ang tanging may abilidad na magbigay ng katarungan at hustisya sa ating sariling bayan.” Ang libu-libong kaso ng pagpatay habang ipinatutupad ng administrasyon ng ama ni VP Sara ang giyera kontra droga ay nasa “exclusive jurisdiction” na raw ng ating mga hukuman. Ang pagpasok ng ICC, giit niya, ay labag sa ating Saligang Batas. Ibang-iba na ang tono ng bise prsidente ngayon; dati, laging “no comment” ang kanyang isinasagot kapag tinatanong tungkol sa ICC.
Hindi na nakagugulat ang mga sinabing ito ng pangalawang pinakamakapangyarihang opisyal ng bansa. Siyempre, tatay niya ang magiging sentro ng imbestigasyon dahil siya ang naglunsad ng patakarang hindi binibigyan ng pagkakataon ang mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot na ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa harap ng batas. Sa opisyal na tala ng gobyerno, hindi bababa sa anim na libo ang napatay—o pinatay—sa mga operasyong isinagawa ng kapulisan. Kung isasama pa sa mga ito ang mga tinatawag na vigilante-style killings, sinasabi ng mga human rights groups na aabot sa 27,000 hanggang 30,000 ang mga buhay na nawala dahil sa madugong kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Kung totoong gumagana ang sistemang pangkatarungan sa ating bansa, nagawaran sana ng hustisya ang libu-libong biktima ng extrajudicial killings (o EJK) sa ilalim ng giyera kontra droga. Marami sa kanila ang hanggang ngayon ay hindi pa rin nalalaman kung sino ang pumatay sa kanilang kaanak. Hindi pa rin napananagot ang mga nasa likod ng mga pagpatay—pulis man o hindi pa rin matukoy na mga sindikato. Batid naman ni VP Sara ang kabagalan ng pag-usad ng mga kaso sa mga korte. Sa isang pahayag noong Oktubre, hinamon niya ang mga kasapi ng Philippine Trial Judges League na bilisan ang pagdinig sa mga kaso. Sa ganitong paraan daw, maibabalik ang tiwala ng taumbayan sa ating sistemang pangkatarungan.
Ngunit maliban sa mabagal na pag-usad ng mga kaso, malaking bahagi rin ng problema ang pagsasamantala ng mga maimpluwensya sa ating sistemang pangkatarungan. May mga hukom at abugadong kinakasangkapan upang idiin ang mga itinuturing na kalaban ng mga maimpluwensyang tao. Sinusuhulan o kaya naman ay tinatakot sila ng mga tiwaling nasa poder. May mga batas na pinaiikot upang patahimikin at maipakulong ang mga pumupuna sa mga mali nilang ginagawa. May mga desisyon ang korteng binabalewala upang manatiling malaya ang mga magnanakaw sa gobyerno.
Hindi ba mas matinding pang-iinsulto at mas malaking kahihiyan ang mga ito sa ating sistemang pangkatarungan?
Mga Kapanalig, ang paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng madugong giyera kontra droga ay hindi usapin ng paghihiganti at pagpaparusa sa iilang tao. Gaya ng matutunghayan natin sa Juan 8, kahit si Hesus ay tutol sa kaparusahan para sa sarili nitong kapakanan, lalo na’t tayong lahat ay makasalanan. Bilang mga Kristiyano, ang hinahangad natin sa tulong ng sistemang pangkatarungan ay ang maituwid ang mga mali, huwag nang maulit ang mga ito, at pairaling muli ang tama. Ang mga ito sana ang layunin ng sistemang pangkatarungan sa ating bansa—hindi ang pangatwiranan ang mga mali at ang pagtakpan ang mga gumagawa nito. Kaya sa huli, ano—o sino—ba ang tunay na maiinsulto sa pag-iimbestiga ng ICC?
Sumainyo ang katotohanan.