49,195 total views
Mga Kapanalig, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (o LTFRB) “non-negotiable” daw ang consolidation process sa Public Utility Vehicle (o PUV) Modernization Program. Layunin ng consolidation process na bumuo ng kooperatiba o korporasyon ang mga tsuper at operator ng PUVs upang makatanggap sila ng mga subsidiya at pautang mula sa gobyerno na maaaring makatulong sa pagbili nila ng modernong jeep. Pero para sa PISTON o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide, ang consolidation ay “pang-aagaw sa mga indibidwal na prangkisa na ang katumbas ay phaseout.” Dagdag pa nila, hindi lang phaseout ng sasakyan ang mangyayari, kundi “phaseout ng kabuhayan.”
Isa ito sa mga pangunahing hinaing ng mga tsuper at operator sa katatapos lamang na strike na inilunsad ng iba’t ibang grupo kamakailan. Nanawagan silang bigyan pa rin ng prangkisa ang mga tsuper at operator kahit hindi sila maging miyembro ng mga kooperatiba o korporasyon. Batay sa huling datos ng LTFRB, 96,000 o 56% ng 170,000 prangkisa ng mga jeep sa bansa ay na-consolidate o napagsama-sama na. Ibig sabihin, halos kalahati pa ng mga tsuper at operator ng jeep sa bansa ang maaaring mawalan ng kabuhayan sa nalalapit nitong deadline sa pagtatapos ng taon. Ayon kay Valenzuela City Second District Representative Eric Martinez, maaaring mag-training sa Technical Education and Skills Development Authority (o TESDA) ang mga tsuper at operator na mawawalan ng hanapbuhay. Bibigyan din sila ng Department of Labor and Employment (o DOLE) ng trabaho pagkatapos ng training. Hindi naman malinaw kung saan kukunin ng pamahalaan ang pondo para suportahan ito.
Patuloy daw na pag-aaralan ng LTFRB ang mga hiling ng PISTON. Ngunit nanindigan ang ahensyang hindi pwedeng tanggalin ang consolidation process. Gagawin na lang daw itong mas simple.
May mga mungkahi namang bigyan ng mas mahabang panahon ang mga tsuper at operator para maunawaan ang PUV Modernization Program at para matapos ang consolidation process, lalo pa’t marami pang kailangang linawin tungkol sa programa. Halimbawa nito ang kawalan pa rin ng local public transport route plan (o LPTRP) mula sa mga lokal na pamahalaan. Hanggang noong Nobyembre 21, nasa 749 na LGU na ang nakapagpasa ng LPTRP pero 65 pa lamang ang naaprubahan ng LTFRB.
Ipinaaalala ng mga panlipunang turo ng Simbahan na tungkulin ng pamahalaang pagkasunduin ang iba’t ibang interes ng mga sektor. Dapat itong gawin nang hindi isinasantabi ang prinsipyo ng panlipunang katarungan sa pagkamit ng common good o kabutihang panlahat. Sa madaling sabi, responsabilidad ng pamahalaang siguruhing ang mga patakaran at direksyong tinatahak nito ay walang naisasantabing sektor. Ang kabutihang panlahat ay hindi ang mayorya; ito ay ang kabutihan at kaunlaran ng lahat, kasama ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Kaya naman, bagamat maganda ang intensyon ng PUV Modernization Program, kailangang pakinggan ng pamahalaan ang mga tsuper at operator na may ibang mungkahi. Hindi makatarungan kung libu-libong tsuper at operator ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa programa. Dapat din siguruhing may sapat na suportang pinansyal ang mga apektado ng programa upang makabili ng modernong jeep.
Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa Mga Awit 37:28, “Iniibig ng Diyos ang makatarungan at hindi pinababayaan ang kanyang mga banal.” Sa gitna ng patuloy na pagdaing ng mga tsuper at operator, samahan natin sila sa hangaring maging makatarungan ang PUV Modernization Program. Maaari natin itong gawin sa pamamagitan ng pag-unawa sa kanilang mga daing at mungkahi, pagbabahagi ng mga ito sa ating mga kakilala, at paghimok sa ating parokyang alamin kung may mga nasasakupan itong mga driver ng jeep na maaaring maapektuhan ng programa. Kung iibigin natin ang makatarungan, hindi tayo mag-aatubiling damayan ang mga isinasantabi.
Sumainyo ang katotohanan.