44,290 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na maging aktibong kinatawan ng pagbabago para sa kapakanan ng nag-iisang tahanan.
Ito ang panawagan ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pagdiriwang ng Global Day of Action for Climate Justice sa December 9.
Umaasa si Bishop David na nangingibaw ang pagkakaisa ng lahat upang maging taga-pagtaguyod ng mga pangmatagalang pamamaraan, palakasin ang mga nasa laylayan ng lipunan, at pagyabungin ang paggalang sa lahat ng nilalang at nabubuhay.
“Each one of us is challenged to heed the cry of the Earth and the cry of the poor, to act with compassion and responsibility towards our environment and our brothers and sisters in the existential peripheries,” pahayag ni Bishop David.
Ibinahagi rin ng obispo ang apostolic exhortation ng Santo Papa Francisco na Laudate Deum na nagsisilbing paanyaya sa bawat isa na kilalanin ang pangkabuuang ugnayan sa pagitan ng katarungang panlipunan, ekolohiya, at pagsisikap na makamtan ang ikabubuti ng nakararami.
Sinabi ni Bishop David na ito rin ay panawagan upang tanggapin at unawain ang pagbabagong ekolohikal at sinodal, kung saan ang pagpili at pagkilos ay naglalarawan ng pangako ng bawat isa na pangalagaan ang sangnilikha ng Diyos.
“Pope Francis in Laudate Deum eloquently reminds us that our planet is a gift, a delicate tapestry woven with the threads of biodiversity, beauty, and interconnectedness. Yet, this tapestry is being destroyed before our eyes due to the wounds inflicted by human irresponsibility,” ayon kay Bishop David.
Umaasa ang pangulo ng kalipunan ng mga obispo sa Pilipinas na magsumikap ang lahat na maibalik ang pagkakaisa at ugnayan sa pagitan ng kalikasan at sangkatauhan, kung saan ang bawat nilalang ay lumalago alinsunod sa hangarin ng Diyos.
Kasabay naman ng Global Day of Action ang isinasagawang United Nations Climate Change Conference of Parties o COP28 Summit sa Dubai na nagsimula noong November 30 at magtatagal hanggang December 12, 2023.