34,795 total views
Hindi na uso ang road ethics sa ating mga lansangan kapanalig. Araw araw, sumasabay sa ingay ng mga busina at tambutso ang galit at kabastusan ng marami nating mga kababayang nasa lansangan. Ano na ba ang nangyari sa atin at bakit ang asal kalye sa ating bayan ay synonymous na sa masamang ugali?
Ang laki ng epekto ng kawalan ng road ethics sa ating bayan kapanalig. Kung akala natin ay ugali lamang ito at walang impact sa kaligtasan natin sa kalye, nagkakamali tayo. Ang road ethics, maliban sa pagiging magalang sa lansangan ay ukol din sa responsible road sharing. Hindi tayo lahat pwede maging king of the road. Ang lansangan ay public asset na dapat nating pangalagaan at pagbahaginan. Bigayan dapat sa lansangan, kapanalig. Ito ay para sa ating lahat, at kung lahat tayo ay nais laging mauna, chaos o gulo ang kahihinatnan.
Ang road ethics din kapanalig, ay ukol din sa kaalaman sa road rules and regulations. Hindi tayo dapat nagmamaneho ng wala man lang alam ukol sa basic road rules. Kapanalig, ang dami sa ating mga drivers at riders di alam ang mga kahulugan ng linya sa kalye, kaya’t parang ahas na swerve ng swerve sa highway. Marami rin sa ating mga drivers at riders bigla na lamang liliko kaya’t maraming mga aksidente sa kalye.
Kapanalig, ang asal kalye natin ay nagdudulot ng hindi lamang malaking traffic at problema sa ating bayan, kundi kamatayan. Ang death rate dahil sa mga car crashes marami taon-taon. Noong 2016, mahigit 11,000 ang namatay dahil sa mga bungguan sa kalye. Nitong 2021, mahigit 11,000 pa rin. Liban dito, ang Pilipinas ay pang labing isa sa 175 countries pagdating sa motorcycle deaths.
Ang ating mga lansangan kapanalig, ay hindi dapat maging death zone o combat zone – ito dapat ay maging mga peace and economic zones. Lahat tayo ay gumagamit nito, at hindi dapat natin hayaan na lagi na lamang magkakagulo gulo lagi dito. Lalo ngayong panahon ng kapaskuhan, ang traffic ay mas lalala pa. Kung wala tayong road ethics, sa halip na maging mapayapa ang pasko, magiging problemado pa tayo.
Kapanalig, ang traffic sa ating bayan ay patuloy ang paglala dahil ang polisiya ng ating bayan ay hindi nakatutok sa pagbabawas ng sasakyan sa kalye, kundi sa pagdagdag pa dito. Kung ang ating ugali sa kalye ay mananatiling tulad sa ugali natin ngayon, mas malaking problema ang sasalubong sa atin sa hinaharap. Hangga’t walang nagbabago, wala tayong aasahang pagbabago.
Ang Pacem in Terris ay may angkop na gabay na maaaring makatulong sa atin sa puntong ito. Ayon dito, dapat nating iayon ang ating sariling interes sa mga pangangailangan ng komunidad, at dapat tayong mag-ambag sa lipunan, alinsunod sa mga pamantayan ng hustisya at sa abot ng ating makakaya. Baguhin natin ang kahulugan ng asal kalye, kapanalig.
Sumainyo ang Katotohanan.