22,704 total views
Isa sa mga pinakamalaking problema ng ating bayan kapanalig ay ang pagdalas ng pagdalaw ng extreme weather sa ating bansa. Ngayon, hindi na lamang bagyo ang ating pinangangambahan at pinaghahandaan. Ang mga super storms at torrential rains, kapanalig, ay mabilis na rin nagdadala ng malawakang sakuna sa maraming mga lugar sa ating bansa. Ang tagtuyot din ay matindi ang epekto sa ating bayan, at mas madalas na at mas mahaba ang duration o tinatagal.
Alam mo ba kapanalig, na ang extreme weather ay hindi lamang isyung pang ekonomiya o kabuhayan? Ang extreme weather ay isyu na kaugnay din sa mental health ng ating mamamayan. Malaki ang pag-aalala ng mga kababayan natin dito, kung ating pagbabasehan ay ang Safety Perceptions Index kung saan ang worry o pag-aalala sa severe weather events ay pinakamataas sa Pilipinas sa 121 na bansa sa buong mundo. Ang worry rate ng ating bansa ay nasa 67.1 percent, at kasabay nito ay ang mataas na experience rate na nasa 62.4 percent.
Kapanalig, mahirap mamuhay na laging may pangamba, lalo pa’t tiyak na mas makakaranas tayo ng extreme o severe weather. Ang kailangan natin dito, upang maibsan ang ating pag-aalala ay pagpa-plano at paghahanda.
Ngayon kapanalig, nakikita natin na mas madalas na ang malawakang pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan. Minsan pa nga, kahit tag-araw, basta nagkaroon ng malakas na pag-ulan, kasama na lagi dito ang flash floods. Ang mabisang panangga dito ay ang maayos na pagpaplano ng ating mga kalunsuran. Maraming mga lugar ang binabaha ngayon dahil nabarahan na natin ang mga natural na daluyan ng tubig. Tayo mismo ang nagharang ng water flow kung kaya’t tuwing umuulan, tayo ay nabababad sa baha. Hindi natin dapat tuligsain ang kalikasan kapanalig – we should build with and around nature, not against it. Ang ganitong paraan ng paggawa ng imprastraktura ay green at sustainable – sinasalba nito at ninu-nurture ang ating buhay. Wala tayong alinlangan kung ang ating mga pabahay at kabuhayan ay ligtas at resilient sa sakuna.
Isa pang paraan upang mabawasan ang ating pag-aalala sa extreme weather events ay ang maayos na forecasting. Ang mga bagyo, pag-ulan, at tagtuyot ay hindi biglaan. Bago pa man ito dumating sa ating lugar, marami ng mga senyales sa ating kapaligiran ang ating nakikita na nag-uudyok sa atin na maghanda. Maliban dito, marami ng teknolohiya na nakaka-predict ng pagdating ng bagyo, ulan, at tagtuyot, ang lakas nito at ang bagal o bilis ng pag-galaw nito. Kailangan maayos ang ating mga weather forecast, at kailangan din, maayos ang diseminasyon ng mga impormasyon ukol dito.
Kapag green at sustainable ang ating imprastraktura, maayos ang pagpaplano, maayos ang forecasting pati information dissemination, ang ating pangamba ay mapapalitan ng kapanatagan ng loob at aksyon. Ang mga extreme weather events ay new normal kaya’t dapat tayo ay matutong tumugon dito sa epektibong paraan. Maging si Pope Francis ay nanawagan para sa epektibong tugon laban sa extreme weather na dulot ng climate change. Ayon sa kanyang mensahe noong July 2023, “In many countries, we are experiencing extreme climatic events: on the one hand, various regions are affected by anomalous heatwaves and struck by devastating fires; on the other, in a number of places there are storms and floods… Something more tangible should be done… It is an urgent challenge and cannot be postponed; it affects everyone. Let us protect our common home!
Sumainyo ang Katotohanan.