6,198 total views
2nd Sunday of Advent Cycle B
Is 40:1-5.9-11 2 Pt 3:8-14 Mk 1:1-8
Ang isang gabay natin sa panahon ng Adbiyento ay si Juan Bautista. Tinuturuan niya tayo paano maging handa sa pagtanggap sa darating na Panginoon sa pamamagitan ng kanyang pahayag at ng kanyang buhay. Simple lang ang buhay niya. Nakatira siya sa disyerto. Ang disyerto ay isang lugar ng panalangin at ng penitensiya. Ang damit niya ay balat ng kamelyo. Ito ay magaspang. Talagang pangpenitensiya! Ang pagkain niya ay mga balang at pulut-pukyutan, mga simpleng pagkain na matatagpuan sa disyerto. Kakaiba ito sa mga hinahanap-hanap ng mga tao ngayon – masasarap na pagkain at branded na mga damit.
Ang kanyang panawagan ay magsisisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan. Ang pagbibinyag niya sa ilog Jordan ay tanda ng pagsisisi. Ang paglulublob sa tubig ay tanda ng kagustuhan ng mga tao na linisin na ang kanilang kasalanan. Ang panlabas na paliligo sa ilog ay pahiwatig ng panloob na paglilinis. Kaya hindi lang basta lumulublob ang mga tao sa ilog Jordan, sila ay nagpapahayag muna ng kanilang kasalanan. Inaamin nila ang kanilang kasamaan.
Ano ba ang kasalanan na dapat tanggalin at linisin? May iba’t ibang kasalanan. May mga kasalanan na dala ng pagmamalabis, tulad ng pagmamalabis sa pag-inom ng alak kaya nalalasing, at pagmamalabis ng paggamit ng bawal na gamot. Pagmamalabis na galit. Inggit, o kayabangan. Ang lahat ng pagmamalabis ay kasalanan, kasama na ang pagmamalabis sa pagkain. Tinatawag din natin ang kasalan na pagkukulang, tulad ng pagkukulang sa paggawa ng ating tungkulin, pagkukulang sa pagdarasal, pagkukulang sa pagtulong sa nangangailangan, pagkukulang sa paggalang at pagsunod sa magulang at nakatatanda, pagkukulang sa pagmamahalan ng mag-asawa. Nakikita din ang kasalanan sa liku-likong pamamaraan. Hindi matuwid ang ginagawa o sinasabi kasi may tinatago o may ikinahihiya. Kaya nandiyan ang pagsisinungaling, ang pagkakalat ng tsismis, ang paninira sa kapwa, ang corruption, ang pagnanakaw. Ang mga ito ay hindi natin ginagawa ng lantaran. Patago natin ito ginagawa. Maitutulad din ang kasalanan sa baku-bakong daan. Hindi stable. Hindi maaasahan ang ugali, pabago-bago. Walang isang salita.
Kaya tama ang panawagan ni Propeta Isaias at ni Juan Bautista. Gumawa ng maayos na daan para sa Panginoon. Straight na daan ng Panginoon patungo sa atin, at straight na daan natin patungo sa Diyoa. Tanggalin na ang mga kasalanan. Patagin ang pagmamalabis, tambakan ang pagkukulang, ituwid ang liku-likong pamamaraan at patagin ang baku-bako at butas-butas na daan. Tingnan po natin sa ating buhay. Ano ba ang mukha ng kasalanan sa atin – pagmamalabis, pagkukulang, liku-liko at baku-bako? Sana po ngayong panahon ng adbiyento makapangumpisal tayo. Ito ay isang magandang gawain para maihanda ang daan ng Panginoon. Ang pagkukumpisal ay paraan ng pagsisisi. Inaamin na natin ang ating kasalanan kasi ito ay tinatanggihan na natin.
Pero baka may iba sa atin na naiinip na sa kaaantay sa pagdating ng Panginoon. Hanggang kailan pa ba tayo maghahanda ng daan? Kailan ba talaga darating ang Panginoon? Ang paskong pinaghahanda natin ay isang ala-ala lang. Inaalaala natin ang unang pagdating ni Jesus. Naging tao siya at nakipamuhay sa atin. Ang unang pagdating ni Jesus ay pahiwatig ng kanyang muling pagdating. Ito ang mas mahalaga sa atin na paghandaan. Darating siya muli. Lahat tayo ay haharap at mananagot sa kanya. Handa ba tayo rito?
Pero kailan ba talaga siya darating? Taon-taon na lang may adbiyento, at tayo ay hinihikayat na maging handa. Pero hindi pa nga ba siya dumadating? Huwag po tayo mainip. Pinapalaala sa atin ni San Pedro sa ating ikalawang pagbasa na iba ang pagbilang at ang pagtingin natin sa panahon kaysa Diyos. Sa Panginoon ang isang araw ay maaaring isang libong taon sa atin, at ang isang libong taon sa atin ay para lang isang araw sa kanya. Tutuparin niya ang kanyang pangako na darating siyang muli. At hindi siya nagpapabaya. Kung natatagalan tayo, gamitin natin ang panahon na wala pa siya na mas lalong maging handa.
Noong tayo ay mga estudyante pa, kung minsan nahuhuli ang teacher na magbibigay ng exam. Sa panahon na wala pa siya, ang iba ay nag-uusap at nagbibiruan, ang iba ay basta na lang nag-aantay. Pero may mga masigasig na mga estudyante na ginagamit ang panahon na mas lalong mag-review pa. Sino ba tayo sa mga ito? Ang mga nag-gu-good time lang at nagbibiruan habang wala pa ang Panginoon? Ang mga nagwawalang kibo? O iyong ginagamit ang panahon para lalo pang gumawa ng mabuti, lalo pang maging madasalin, lalo pang makilala ang Diyos? Kaya nga sinabi ni San Pedro: “Samantalang kayo’y naghihintay, sikapin ninyong mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan.” Mamuhay tayo nang ayon sa kalooban ng Diyos samantalang hinihintay natin ang Araw ng Panginoon.
Ang isang virtue na binibigyan ng diin sa Adbiyento ay pag-asa, hope, paglaum. Tinitingnan natin ang ating buhay na may pag-asa. Ito ay may kahihinatnan, may patutunguhan. Ang patutunguhan nito ay kaligtasan. Kahit na gaano kadilim ang buhay, may liwanag sa bandang huli. Kahit na gaano kahirap, darating ang kasaganaan, kahit na gaano kagulo, may kapayapaan. Saan nakabase ang ating pag-asa? May pag-asa tayo kasi may pananampalataya tayo na nandiyan kasama natin ang Diyos, at sa pamamagitan ni Jesus nagtagumpay siya sa kasamaan, sa kasalanan at sa kamatayan. Nakikiisa tayo sa tagumpay na ito kapag tayo ay nagsisisi sa ating kasalanan. Dito natin natatalo ang kasamaan sa buhay natin. Nakabase din ang ating pag-asa sa paniniwala na hindi tayo iiwanan ng Diyos at babalik siya para sa atin.
Kailangan po natin ang pag-asa sa panahong ito na madaling mawalan ng pag-asa ang marami. Ang tanda nito ay ang maraming suicides, kahit na sa mga kabataan. Kaunting kabiguan lang, wala na silang pag-asa. Marami din ang madaling maghiwalay. Ang pag-ibig ay nawawala na kapag may away o di-pagkakasundo. Kailangan natin ang liwanag ng pag-asa. Kaya ngayong adbiyento isabuhay natin ang pag-asa. Kumapit tayo sa Diyos! Sa mga kahirapan at kadiliman ng buhay abangan natin ang kaligtasan na dadalhin ng Diyos. Magbibigay siya ng liwanag at ng sigla sa ating buhay.