3,571 total views
Lunes ng Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
o kaya Paggunita kay San Damaso I, Papa
Isaias 35, 1-10
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.
Lucas 5, 17-26
Monday of the Second Week of Advent (Violet)
or Optional Memorial of St. Damasus I, Pope (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 35, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang ulilang lupaing malaon nang tigang
ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
ito’y muling gaganda tulad ng mga
Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron,
mamamasdan ng lahat ang kaningningan
at kapangyarihan ng Panginoon.
Inyong palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay,
ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot,
laksan mo ang iyong loob,
darating na ang Panginoong Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita,
at makaririnig ang mga bingi;
katulad ng usa, ang pilay lulundag,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa gubat ay bubukal ang tubig
at ang mga batis dadaloy sa ilang;
ang umuusok na buhanginan ay magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay babalong ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
ay tutubuan ng tambo at talahib.
Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Ang mga makasalanan at mga hangal,
sa landas na ito ay di makararaan.
Walang leon o mabangis na hayop
na makalalapit doon;
ito’y para lamang sa mga tinubos.
Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan
ng tuwa at galak magpakailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Ang Poong D’yos ay darating
upang tayo ay tubusin.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y darating
tayo’y kanyang hahanguin
sa pagiging bihag natin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 5, 17-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Minsan nang nagtuturo si Hesus, naroon din ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na mula sa mga bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. At sumasakanya ang kapangyarihan ng Panginoon upang magpagaling ng mga maysakit. May dumating na ilang tao, dala ang isang paralitikong nasa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay sa harapan ni Hesus ang maysakit, subalit wala silang maraanan dahil sa dami ng tao. Kaya’t umakyat sila sa bubungan at binutas iyon, saka inihugos sa harapan ni Hesus ang paralitikong nasa higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Sa loob-loob ng mga eskriba’t Pariseo: “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinagot niya sila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko ‘Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan’ o ang sabihing ‘Tumindig ka at lumakad’? Patutunayan ko sa inyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Iniuutos ko: tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Pagdaka’y tumindig ang tao sa harapan ng lahat, binuhat ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila at tigib ng takot na nagpuri sa Diyos. “Nakakita kami ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!” wika nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Lunes
Taglay ang ganap na pagtitiwala ng mga kaibigan ng lalaking paralitiko, manalangin tayo para sa paggaling at pagkabuo ng lahat ng tao sa mundo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagalingin mo kami.
Ang Simbahan ng Diyos nawa’y patuloy na kumilos upang matupad ang mapanligtas na misyon ni Kristo sa pamamagitan ng pagpapatawad ng mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y laging handang magpatawad sa iba dahil sa pagkaunawang tungkulin ito ng lahat ng sumusunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong wari’y bilanggo ng kanilang pagkamakasalanan nawa’y makatagpo ng tunay na kagalingang espiritwal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatagpo ng ginhawa at pag-asa kay Jesus na nagdusa para sa aming lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa na ay mapatawad nawa sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin dahil sa pagpapatawad sa amin ng iyong Anak. Nawa, kami rin ay makapagpatawad sa lahat ng taong nagkasala sa amin. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.