7,894 total views
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Roma 16, 25-27
Lucas 1, 26-38
Fourth Sunday of Advent (Violet)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang bahay. Sa tulong ng Panginoon, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Nakikita mong nakatira ako sa tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.” Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat ang Panginoon ay sumasaiyo.”
Ngunit nang gabing iyo’y sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Inalis kita sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saanmang dako at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko patitirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon: wala nang aalipin sa kanila tulad noong una, buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong Panginoon ay nagsasabi sa iyo: Patatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian. Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Sabi mo, Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
at mananatili sa kanya ang tipan.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 16, 25-27
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Purihin ang Diyos na makapagpapatibay sa inyo sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na ipinangangaral ko sa inyo. Ang Mabuting Balitang iyan ay isang hiwaga na nalihim sa loob ng mahabang panahon, at sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa mga Hentil upang sila’y manalig at tumalima kay Kristo. Ang lahat ng iyan ay ayon sa mga sulat ng mga propeta.
Sa iisang Diyos, ang marunong sa lahat – sa kanya iukol ang papuri magpakailanman sa pamamagitan ni Hesukristo! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 1, 38
Aleluya! Aleluya!
Narito ang lingkod ng D’yos
maganap nawa nang lubos
ang salita mong kaloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-4 na Linggo ng Adbiyento
Kasama ni Maria, ang bukas-palad na lingkod ng Diyos, pagtuunan natin ang kalooban ng Diyos, at hilingin sa Kanya ang biyayang kinakailangan natin. Manalangin tayo:
Diyos naming tapat, dinggin Mo kami!
Nawa’y higit na pahalagahan ng Simbahan at kanyang mga pinuno ang pagtatayo ng matatatag na pamayanan ng pananampalataya at paggawa. Manalangin tayo!
Nawa’y alalahanin ng lahat ng pinunong pambayan na mauuwi sa wala ang kanilang mga balakin kung hindi rin lamang ito alin-sunod sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo!
Nawa’y pahalagahan ng mga naghahanda sa Pasko ang kanilang mga pangangailangang espiritwal nang higit sa mga pangangailangang materyal. Manalangin tayo!
Nawa’y ang lahat ng di pa sumasampalataya kay Hesus bilang tagapagligtas ay magbukas na ng kanilang mga puso sa pahayag ng salita ng Diyos nang ito’y magbunga sa kanilang buhay. Manalangin tayo!
Nawa’y gugulin natin ang araw na ito ng pamaskong Nobena nang may disposisyong tulad ng kay Mariang Kabanal-banalan nang hinihintay niya ang pagsilang ni Hesus. Manalangin tayo!
Para sa mga taong may pisikal na kapansanan: Maging tampulan nawa sila ng atensyon at kalinga ng pamayanang maka-Diyos. Manalangin tayo!
Diyos ng katapatan, tulutan nawang ang aming kilos at asal ay maging laging alinsunod sa Ebanghelyo at maging saksi kami ni Hesus, na tanging Tagapagligtas ng sanlibutan na nabubuhay at naghahari magpasa walang hanggan. Amen!
Dakilang Kaspistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Pagmimisa sa Bisperas)
Isaias 62, 1-5
Salmo 88, 4-5. 16-17. 27 at 29
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Mga Gawa 13, 16-17. 22-25
Mateo 1, 1-25
o kaya Mateo 1, 18-25
Vigil of the Nativity of the Lord (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 62, 1-5
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tutugon hangga’t hindi siya naililigtas,
hangga’t ang tagumpay niya
ay hindi nagliliwanag
na tulad ng sulo sa gabi.
Ang lahat ng bansa’y
pawang makikita ang iyong tagumpay,
at mamamalas ng lahat ng hari ang iyong kadakilaan.
Ika’y tatawagi’t
bibigyan ng Panginoon ng bagong pangalan.
Ikaw ay magiging magandang korona
sa kamay ng Diyos,
korona ng Panginoong nakalulugod.
Hindi ka na tatawaging “Itinakwil,”
Ni ang lungsod mo’y hindi rin tatawaging
“Asawang Pinabayaan.”
Ang itatawag na sa iyo’y “Kinalugdan ng Diyos,”
At ang lupain mo’y tatawaging “Maligayang Asawa,”
pagkat ang Diyos ay nalugod sa iyo,
at sa lupain mo,
siya ay magiging tulad ng asawa.
At ikaw Israel
ay ituturing niyang kasintahan,
ang manlilikha mo’y pakakasal sa iyo,
kung gaano kaligaya ang kasintahang lalaki
sa araw ng kanyang kasal,
gayun magagalak sa iyo ang Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 4-5. 16-17. 27 at 29
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Sabi mo, Panginoon, ika’y may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
at mananatili sa kanya ang tipan.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 16-17. 22-25
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong dumating si Pablo sa Antioquia ng Pisidia, tumayo siya sa sinagoga at sinenyasan silang tumahimik.
“Mga Israelita at mga taong may takot sa Diyos – makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang humirang sa ating mga ninuno. Sila’y ginawa niyang isang malaking bansa samantalang naninirahan sa lupain ng Egipto, inilabas doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. At nang alisin ng Diyos si Saulo, inihalili si David upang maghari sa kanila. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya. ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng iniuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.’”
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Bukas ninyo makikita
maghahari’y Poong sinta,
patatawarin ang sala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 1, 1-25
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ito ang lahi ni Hesukristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
Si Abraham ang ama ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Naging anak naman ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni Haring David.
Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam. Si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya namang ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama naman ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ang kanyang mga kapatid. Panahon noon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.
Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eluid ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Samaktwid, labing-apat ang salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia, at labing-apat din mula sa pagkakatapon sa Babilonia hanggang kay Kristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
At tatawagin itong “Emmanuel,”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan nga niyang Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 1, 18-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
At tatawagin itong “Emmanuel,”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Sa Banal na Gabing ito, sa paggunita natin sa kapanganakan ng Tagapagligtas ng sanlibutan, ipanalangin natin ang mga pangangailangan natin at ng buong sangkatauhan. Manalangin tayo:
Panginoon, Ikaw ang aming Ilaw!
Para sa buong pamayanan ng mga mananampalatayang nag- diriwang sa pagsilang ni Hesus: Nawa’y maghari ang kapayapaan ng gabing ito sa kanilang buong buhay. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat ng mga pinunong espiritwal sa buong daigdig: Nawa’y mapag-buklod ng kanilang pamumuno sa ngalan ng Diyos, ang lahat ng tao sa tapat na pagtutulungan at pagkakaisa. Manalangin tayo!
Para sa mga bansa at grupong nasa gitna ng digmaan: Nawa’y sa kanyang pagsilang, akayin sila ni Hesus tungo sa pagwawakas sa mga pahirap ng digmaan. Manalangin tayo!
Para sa ating pamilya at lahat ng iba pang pamilya sa ating parokya: Tayo nawa’y maging laging handang tumulong, magpatawad, at magmahal sa isa’t isa. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng may malubha at permanenteng kapansanan: maging sentro nawa sila ng atensyon at kalinga ng buong daigdig at maitayo nawa ang mga institusyong nakalaan sa pagtulong sa kanila. Manalangin tayo!
Salamat, Ama, sa pagkakaloob Mo kay Hesus sa amin. Pahalagahan nawa namin, tulad ni Mariang Kabanal-banalan, ang kanyang pagparito. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon at Tagapagligtas. Amen!