9,538 total views
Ika-20 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
Isaias 7, 10-14
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Lucas 1, 26-38
20th of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
maglilihi ang isang dalaga
at manganganak ng lalaki
at ito’y tatawaging Emmanuel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayon ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Halina, Susi ni David,
binubuksan mo ang langit
upang kami ay masagip.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon.” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI – Ikalimang Araw
Si Hesus ay siya nating “Emmanuel,” “ang Diyos sa piling natin.” Ang kanyang pananatili sa piling natin ay bukal ng ating kasiyahan at lakas. Ipagkatiwala natin sa kanya ang ating mga alalahanin at pag-asa at ating sambitin:
Panginoong Hesus, makapiling ka nawa namin!
Panginoong Hesus, lumagi ka nawa sa iyong Simbahan habang tuwina siyang nagsisikap maghatid ng iyong Ebanghelyo sa lahat at magbigay-saksi sa katotohanang ito sa buhay ng kanyang mga kasapi. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, lumagi ka nawa sa Santo Papa, aming Obispo, aming kura paroko, at kanyang mga katulong, upang sila’y maging mga lalong mabisang ministro ng iyong inspirasyon at pamamatnubay. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, lumagi ka nawa sa aming mga pinunong pulitikal at sibil, sa aming mga hukom, mga pulis, at mga sundalo, upang mabisa nilang maipagtaguyod ang katarungan, kaayusan, at kapakanang pangkalahatan. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, lumagi ka sa aming mga doktor, nars, at lahat ng naglilingkod sa pangangalagang pangkalusugan, upang sila’y maging kasangkapan ng iyong nakagagaling na pagmamahal para sa lahat ng maysakit. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, lumagi ka nawa sa lahat ng mga magulang upang sila’y magmahalan nang tapat at mapalaki nila ang kani-kanilang mga anak bilang mabubuting Kristiyano at tapat na mga mamamayan. Manalangin tayo!
Manalangin tayo para sa ating mga pansariling kahilingan at para sa ating mga mahal sa buhay. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, tulutan mong makaraos kaming maluwalhati sa lahat naming kahirapan at bumuo ng mga pamayanang nagtatampok sa pinaghaharian mo nang walang hanggan. Amen!