34,415 total views
Mga Kapanalig, sa isang misa para sa pagsisimula ng Adbiyento, hindi bababa sa apat na katao ang namatay at mahigit 40 naman ang nasugatan matapos ang pagsabog sa gymnasium ng Mindanao State University (o MSU) sa Marawi.
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, inaalam pa ng kinauukulan kung sinu-sino ang nasa likod na karumal-dumal na pangyayaring ito. May mga hinalang kaugnay ito ng pagkakapatay ng militar sa labing-isang miyembro ng Dawlah Islamiyah. Ang Dawlah Islamiyah ay itinuturing ng gobyerno bilang isang teroristang grupong konektado sa mga nais magtatag ng isang Islamic State sa Mindanao. Ang pagsabog sa MSU ay baka raw paghihiganti ng grupo sa pagkakapatay sa kanilang mga kasapi.
Pero hindi pa man malinaw kung ang grupong ito nga ang may gawa ng pagsabog, mabilis na naglabasan, lalo na sa social media, ang mga komentong sinisisi ang Islam at ang mga Muslim. Kung saan may kaguluhan, giyera, at terorismo, lagi raw may mga Muslim. Hindi raw totoo ang pagiging “religion of peace” ng Islam. Nakaugat na raw ang paggamit ng karahasan sa relihiyong Islam.
Napakadaling sabihin ang mga bagay na ito ng mga taong hindi lubos na nauunawaan ang relihiyong ito. O kaya naman—at ito marahil ang mas mabigat tanggapin—hindi natin ganap na naiintindihan ang marami, malalim, at kawing-kawing na ugat ng karahasan. At sa isang bansang nasa anim na porsyento lamang ng populasyon ang Muslim, napakadaling ikabit sa kanilang relihiyon ang mga maling gawaing ginagawa ng iilan sa kanila. Hindi ba kayo nagtataka na walang karahasang ginawa ng isang Kristiyano—katulad ng mga Katoliko—ang ikinokonekta ang pangyayari sa kanyang relihiyon?
Ang mabilis na pag-uugnay sa karahasan at pananampalataya ay parang panggatong na dumadagdag sa apoy ng hindi pagkakasundo. Inililihis tayo nito sa katotohanang ang tinatawag na extremist violence ay bunga ng napakakumplikado at masalimuot na mga kalagayang pampulitika at panlipunan. Magkakaroon ba ng karahasan kung tunay na makatarungan ang ating lipunan? May mananakit ba ng kanilang kapwa kung lubusang naiintindihan ng mga tao ang dignidad ng iba? May magiging marahas ba sa kanilang kababayan kung ang mga istruktura ng ating lipunan ay patas sa lahat at walang pinapaboran? Maaaring may impluwensya ang relihiyon sa mga sangkot sa mga gawaing marahas, ngunit hindi ito dahil iyon ang itinuturo sa mga mananampalataya. Nagiging parte ang relihiyon sa karahasan dahil inaabuso at binabaluktot ito. Ang masama pa, naging kalakaran na, lalo na sa media, ang ipahiwatig na dahilan ang relihiyon ng karahasang nag-uugat talaga sa diskriminasyon, katiwalian, pang-aabuso, at matinding kahirapan.
“Terrorism threatens, wounds, and kills indiscriminately; it is gravely against justice and charity.” Iyan ang mababasa natin sa mga turo ng ating Simbahan. Anuman ang relihiyon ng mga nasa likod ng terorismo, tahasan nilang sinasalungat ang katarungan at pagkakawanggawa. Kaya walang makapagbibigay-katwiran sa karahasan, lalo na sa terorismo, kahit pa ang relihiyon ng mga gumagawa nito. Tayong mga Kristiyano ay inuudyukang tumalikod sa karahasan.
Sa Mga Kawikaan 6:16-19, ipinaaalala sa ating “kinamumuhian ni Yahweh… ang mga pumapatay sa walang kasalanan, ang pusong sa kapwa’y walang mabuting isipan, [at] mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan.” Mahalagang turo ito para sa lahat—hindi lamang sa mga nagbabalak gumawa ng masama sa iba kundi sa mga taong mabilis husgahan ang kanilang kapwa batay sa relihiyon o paniniwala.
Mga Kapanalig, ang mga relihiyon, sabi ni Pope Francis sa Fratelli Tutti, ay may malaking ambag sa pagtatatag ng pagkakapatiran at sa pagtatanggol sa katarungan. Hindi ito magiging posible kapag binabaluktot natin ang mga turo ng ating relihiyon o kapag ginagamit natin ito upang kamuhian ang iba.
Sumainyo ang katotohanan.