43,444 total views
Tiniyak ng Arnold Janssen Kalinga Foundation ang patuloy na pagpapaigting ng mga programa bilang suporta sa pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings dulot ng marahas na implementasyon ng war on drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Bilang higit na pagpapaigting sa misyon ng Program Paghilom para sa mga naulila ng mga biktima ng EJK ay nakatakda ang pagtatayo ng kauna-unahang EJK Memorial Site na tinaguriang ‘Dambana ng Paghilom – Himalayan ng mga Biktima ng EJK’ sa La Loma Cemetery sa Caloocan.
Ayon kay Arnold Jannsen Kalinga Foundation Inc. Founder and President Fr. Flavie Villanueva SVD, layunin ng kauna-unahang EJK Memorial site na tinaguriang Dambana ng Paghilom na mabigyan ng dignidad at pagpapahalaga ang lahat ng mga biktima ng EJK sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang naaangkop na himlayan at huling hantungan.
“Para sa akin ang kahalagahan nitong memorial site, isang himlayan na may dangal ay isang pagpapakita na ang tao ay may dangal, ang tao ay dapat pagpahalagahan buhay o patay. Ito yung nakalimtan ng mga tao noong anim na taon na patayan ni [dating Pangulong] Rodrigo Duterte na walang habas na pinatay, pinaslang ng walang kalaban laban…” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Villanueva sa Radyo Veritas.
Nagpahayag naman ng suporta si former Justice Secretary and Senator Leila De Lima sa inisyatibo ng pagtatayo ng Dambana ng Paghilom at sa patuloy na pag-agapay sa mga naulilang kapamilya ng mga biktima ng EJK lalo na sa pagkamit ng katarungan para sa lahat ng mga nasawi dulot ng nakalipas ng administrasyong Duterte.
Partikular na tinukoy ni De Lima ang pagsusulong ng imbestigasyon ng International Criminal Court sa kaso ng mga pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
“This Dambana ng Paghilom with our solidarity and God’s grace we can start and enhanced the healing of the families of the EJK victims, this is just a momentous occasion but it is clear without justice there can be no genuine and complete healing, that is why we will continue to fight for justice and push for the International Criminal Courts continued investigation in to the murderous war on drugs by Rodrigo Duterte…” mensahe ni De Lima.
Umaasa naman si former Vice President Leni Robredo na patuloy na magsilbing simbolo at paalala ang itatayong Dambana ng Paghilom para sa pakikiisa ng lahat sa paghahanap ng katarungan at pagkakaroon ng tuluyan paghilom ng mga naulilalng biktima ng EJK mula sa naranasan at nasaksihang karahasan ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Sana po hindi kayo mawalan ng pag-asa siguro totoo na mabagal yung daloy ng hustisya pero alam nating lahat na bilog ang mundo makakamtan din natin yung hustisya para sa mga namatay. Ang dambana pong ito ay hindi lang pagbibigay dignidad sa mga nawala pero isang simbolo siya na kaisa niyo kami, isang simbolo siya na hindi na kailanman papayagan yung ganitong klaseng patayan.” mensahe ni Robredo.