21,114 total views
Inaanyayahan ng pamunuan ng St Joseph Cathedral sa Abu Dhabi, United Arab Emirates ang mga Pilipino na makikiisa sa tradisyunal na Simbang Gabi.
Ayon kay Franciscan Capuchin Fr. Troadio delos Santos tema ngayong taon ang “Liwanag ng Pasko gabay sa sama-samang paglalakbay” na hango sa Synod on Synodality ng simbahan.
Sinabi ni Fr. delos Santos na bukod sa mga makukulay na palamuti, masasayang ngiti at malamig na simoy na hangin ay higit pagtutuunan ang Banal na Eukaristiya sa pagsalubong kay Hesus.
“Kaya naman ang Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi ay malugod na nag-aanya para sa ating Simbang Gabi 2023 sa St. Joseph’s Cathedral Abu Dhabi ngayong December 15 hanggang December 23.” pahayag ni Fr. delos Santos.
Isasagawa ang misa tuwing alas otso ng gabi sa St. Joseph Cathedral kung saan ito rin ay matutunghayan sa official Facebook page ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi (KPAD).
Ayon kay KPAD Director Rommel Pangilinan nananabik na ang mga kapwa Overseas Filipino Workers sa nalalapit na Simbang Gabi hindi lamang sa UAE kundi maging sa mga karatig lugar sa Middle East.
Tiniyak ni Pangilinan sa mga kapwa OFW na hindi makadadalo ng pisikal sa misa na gagamitin ang teknolohiya upang ihatid ang Simbang Gabi masses sa bawat tahanan.
“Bilang regalo ko sa mga kapwa ko OFW na malayo sa mga simbahan sa UAE at hindi sila makapag simba. Naka live stream pa din ang aming Simbang Gabi upang mga kababayan namin nasa mga malalayong lugar dito sa UAE ay somehow makasama din namin gayon din ang mga homebound.” pahayag ni Pangilinan.
Kamakailan lamang ay nagsagawa ng serye ng mga pagninilay ang mga katoliko sa Abu Dhabi sa pangunguna nina Fr. Hans Magdurulang at Fr. Dave Concepcion.
Sa halos isang milyong katoliko sa Muslim countries mayorya ito ay mga Pilipino.