48,888 total views
Hinikayat ng kinatawan ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas ang mamamayan na paigtingin ang pagsisikap na pangangalagaan ang nag-iisang tahanan.
Ayon kay Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, mahalaga ang aktibo at sama-samang pagkilos upang makalikha ng ingay at mapataas ang kamalayan ng lahat laban sa lumalalang epekto ng climate change.
Iginiit ni Archbishop Brown na tungkulin ng bawat isa bilang mga katiwala ng sangnilika na pangalagaan ang inang kalikasan para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“I want to encourage everyone here in the Philippines to do everything we possibly can to be environmentally sensitive to create an awareness that the earth is our common home and that it’s our responsibility to not only our brothers and sisters but also to those who come after us to take good care of the environment,” pahayag ni Archbishop Brown sa panayam ng Radio Veritas.
Ang mensahe ng arsobispo ay kaugnay sa pagtatapos ng United Nations Climate Change Conference of Parties o COP28 Summit sa Dubai, United Arab Emirates ngayong araw.
Pinuri at patuloy namang hinimok ni Archbishop Brown ang iba’t ibang grupo at organisasyon, anuman ang denominasyon at paniniwala, sa patuloy na pagkilos alang-alang sa pagmamalasakit at pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
“I applaud and I encourage everyone who’s working on this issue, and in the name of the Holy Father, I thank them for their efforts in this regard,” paanyaya ni Archbishop Brown
Inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudate Deum ang higit pang pagpapaigting ng magkakatuwang na pagkilos at pagtugon upang mapangalagaan ang nag-iisang tahanan mula sa lumalalang epekto ng climate crisis.