39,250 total views
Ang West Philippine Sea ay pagmamay-ari ng mga Pilipino
Ito ang paninidigan ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo matapos kanselahin ng Atin ito Movement ang pagpunta ng Christmas Convoy sa mga isla ng West Philippine sea kasama ang mga volunteers ng ibat-ibang civillian groups layong mamahagi sana ng pamaskong regalo sa mga uniformed personnel at mangingisda sa Lawac Island at Ayungin Shoal.
Ikinalulungkot ni Bishop Pabillo ang pangha-harass ng Chinese Coastguard sa Christmas convoy dahilan upang kanselahin ang paglalayag ng supply mission sa WPS.
Hinahangaan naman ng Obispo ang civilian convoy sa paninindigang magbigay ng kasiyahan sa mga Pilipino na nasa WPS.
“Pero nakakahanga din na mga civillian convoy na pumunta roon at nag-try at least nagtangka sila na magbigay ng kasiyahan sa ating mga kapatid doon po sa ating territories kaya nakakalungkot lang na hinarang sila ng China kaya dapat we need to assert our own territory,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Mariin ang paninindigan ng Obispo na dapat i-assert ng Pilipinas ang pagmamay-ari sa sariling teritoryo na pilit inaangkin ng China.
December 10 ng napagdesisyunan ng Atin Ito Mothership Kapitan Felix Oca na bumalik na lamang ng Palawan matapos subukan lapitan ng tatlong Chinese Coast Guard at Maritime Militia ships habang nasa Kayumanggi Banks na 240-kilometro na lamang ang layo sa Ayunin Shoal.
Sa kabila nito, nakarating parin ang Supply Motorboat Chowee na ikatlong barko ng Christmas convoy matapos paunahin ng Philippine Coast Guard – BRP Melchora Aquino sa Lawac Island kung saan una ng naibigay sa mga sundalo sa lugar ang unang bahagi ng mga regalo.
Nagpasalamat rin si Bishop Pabillo sa mga Atin Ito Movement Organizers at Convenors sa pagkilala sa pakikiisa ng simbahang katolika sa Christmas Convoy na kauna-unahang civillian mission na tinangkang magtungo sa mga isla ng West Philippine Sea.
Kabilang sa Christmas convoy si Father Raymund Camacho bilang kinatawan ng Apostolic Vicariate ng Taytay Palawan at si Father Robert Reyes ng Diyosesis ng Cubao na magdaraos sana ng misa sa Lawac Island.
“Isa pong karangalan na yung Bikaryato ng Taytay ay nagkaroon ng bahagi sa Convoy na ito sa pag-encourage sa mga tao sa pagbibigay ng ating statement at diyan sa pagpapadala ng Pari natin na maging kasama doon na nagmisa para sa kanila, ito po ay dapat ang tungkulin din po natin sa bayan ay bahagi din ng ating mensahe ng pag-ibig kaya nagpapasalamat tayo sa pagkakataon na naging bahagi tayo ng ganitong initiatives at magtuloy tayo sa pagsuporta sa mga initiative na ganito,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Nobyembre ng unang ihayag nila Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Bishop Kalookan President Pablo Virgilio David at Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang suporta sa Christmas Convoy sa WPS.