91,238 total views
Sa mundo ngayon kung saan teknolohiya na ang nagtutulak sa maraming industriya sa ating mundo, mas bumibigat ang pangangailangan para sa masusing edukasyon sa Science, Technology, Engineering, at Mathematics o mas kilala bilang STEM. Sa Pilipinas, ang pagpapalakas ng STEM education ay dapat maging prayoridad para sa mas malusog at mas matatag na ekonomiya.
Ang STEM education ay nagbibigay-diin sa masusing pagsasanay ng mga mamamayan sa larangan ng agham, teknolohiya, engineering, at mathematics. Nilalayon nito na maging mas malalim ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa mga larangang ito para maging handa sila sa mga hamon at oportunidad ng industriyalisasyon at globalisasyon.
Kapanalig, kapag maganda ang STEM education, magiging mas maganda rin ang pundasyon ng bayan. Kritikal ang STEM sa economic growth at development ng bansa Ang larangang ito ay larangan ng inobasyon. At sa panahon ngayon ng AI at mga scientific at technological breakthroughs, kung mahina ang STEM education sa ating bansa, mapapag-iwanan tayo kapanalig, sa kangkungan. Hindi tayo magiging lider sa international o global level.
Kapag mahina ang STEM education sa Pilipinas, maapektuhan rin ang abilidad ng ating mga mga kabataan na kumita ng mas malaki sa hinaharap. Di hamak ng mas stable at mas malaki ang kita ng mga trabaho sa larangan ng STEM. Kung sa lebel pa lang ng edukasyon ay binabalewala natin ito, tinatanggalan natin ng pagkakataon ng mga kabataan na magkaroon ng competitive na kita sa hinaharap. Hindi natin sila tinutulungan maging qualified at handa sa mga trabahong magbubukas pa sa larangan ng agham at teknolohiya. Dahil mahina ang STEM education, hindi future-ready ang mga mag-aaral. Kapag hindi tayo nagbigay ng maayos na kaalaman at kasanayan, walang magiging STEM experts ang bayan.
At kung walang STEM experts, walang magsusulong ng mga inobasyon at solusyon sa mga problemang kinakaharap ng bansa. Sa pagpapalakas ng STEM education, maaaring mabigyan ang bansa ng mga propesyunal at mga eksperto na may kakayahan sa pagsusuri at pagsasaayos ng mga hamon na pinagdadaanan ng ating bansa. Ang mga eksperto na ito ay magiging haligi sana ng ating bayan. Maski ang panlipunang turo ng Simbahan ay nakikita ang value ng edukasyon sa ganitong larangan. Ayon nga sa Mater et Magistra: “It is an undeniable fact that, thanks to the driving impulse of scientific and technical advance, productive systems are today rapidly becoming more modernized and efficient–more so than ever before. Hence a greater technical skill is required of the workers, and more exacting professional qualifications.”
Ang pagpapalakas ng STEM education sa Pilipinas ay nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa kaunlaran ng bansa. Ito ay hindi lamang nagbibigay ng mataas na kalidad ng edukasyon kundi naglalatag din ng landas patungo sa mas maligaya, maginhawa, at mas maunlad na hinaharap. Ang pag-invest sa STEM education ay pag-invest sa kinabukasan ng bansa.
Sumainyo ang Katotohanan.