15,892 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ikalawang LInggo ng Adbiyento, 14 Disyembre 2023, Mt 11,11-15
“Ang sinumang may pandinig ay makinig.” Ito ang sabi ng huling linya sa narinig nating ebanghelyo. Totoo, di ba, hindi lahat ng may pandinig ay nakikinig. Minsan, naririnig natin ang sinasabi, pero hindi ang ibig sabihin. Ang tunay na nakikinig ay interesado, hindi lang sa sinasabi kundi, higit sa lahat, sa ibig sabihin.
Hindi sapat ang tenga para makinig. Kaya siguro sa aming mga Kapampangan, ang salita para sa “makinig” ay MAKIRAMDAM, kahit ang karaniwang translation nito sa Ingles ay “to feel.” Di ba iyon ang ibig nating sabihin sa Tagalog pag sinabing RAMDAM natin—pinakikiramdaman, hindi lang pinakikinggan? Siguro ang sabihin nito ay, para sa Kapampangan, ang tunay na pakikinig ay hindi lang sa pamamagitan ng tainga; lahat ng paraan ng pandama kailangan gamitin ng tao kapag gusto niyang umunawa. Nakikiramdam siya.
Ang taong matalas ang pakiramdam hindi lang sa sinasabi nakikinig kundi pati na rin sa hindi sinasabi o sa hindi masabi. Di ba ganyan si Hesus? Madalas nating marinig sa mga ebanghelyo na kahit hindi nagsasalita ang kausap o kaharap niya, alam niya ang nasa isip o kalooban nito. Hindi naman dahil meron siyang X-ray vision, kundi dahil mahusay makiramdam.
May tensyon sa ating pagbasa ngayon sa ebanghelyo sa pagitan ni Jesus at ng mga alagad na sugo ni Juan. Ipinatanong daw kasi ni Juan kung siya daw ba ang Mesiyas o maghahanap na lang siya ng iba? DAW. Palagay ko hindi talaga galing kay Juan ang question, kundi sa mga alagad na nang-iintriga dahil hindi nila matanggap ang pakikipagsosyalan ni Hesus sa mga taong may masamang reputasyon. Kaya imbes na sagutin niya nang diretso ang question, ganito ang sinabi niya sa kanila, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakikita at naririnig.” (Iyung totoo lang, hindi paunang hatol.)
Talaga namang kapag biased ang tao, minsan kahit mabuti na ang nasa harapan nila, masama pa rin ang nakikita o naririnig nila.
Ang santong ginugunita natin sa araw na ito ay ganito rin ang pinagdaanan—si San Juan de la Cruz. Ikinulong pa nga siya ng sariling mga kasamahan niya sa kongregasyon ng mga Carmelites. Matindi ang pinagdaanan niyang pagdurusa dahil kumampi siya kay Santa Teresa de Avila. Pero dahil sa pinagdaanan niya, mas lalong lumalim ang pag-unawa niya sa pananampalatayang Kristiyano. Imbes na maghinanakit, imbes na magtanim ng sama-ng-loob, nagpakumbaba siya, sinikap niyang alamin kung ano ang kanilang pinanggagalingan.
Iyon ang punto ng tula na isinulat niya tungkol sa pag-akyat sa bundok Karmelo. Matalinghaga. Hindi, aniya, hahantong sa KAGANAPAN (todo) ang sinuman kung hindi siya matutong dumaan sa landas ng KAWALAN (nada). Natutunan lang niya ito sa Panginoong Hesukristo. Ito ang tinatawag ni San Pablo na KENOSIS. Ang isantabi ang sarili upang mabigyang-puwang si Kristo sa buhay natin.