3,927 total views
Ang Mabuiting Balita, 14 Disyembre 2023 – Mateo 11: 11-15
ITO AY MANANAIG
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa mga tao: “Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, walang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos ay dakila kaysa kanya. Mula nang mangaral si Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng Diyos ay nagdaranas ng karahasan at inaagaw ng mararahas. Sapagkat ang mga propeta at Kautusan ay nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos hanggang sa dumating si Juan. Kung maniniwala kayo, siya ang Elias na darating. Ang may pandinig ay makinig!”
————
Magpasahanggang ngayon, ang Kaharian ng Diyos ay nagdaranas ng karahasan at inaagaw ng mararahas: mga digmaan, kriminalidad, imoralidad at lahat ng iba pang mga maka-demonyong gawain, ngunit kahit ito ay nagdaranas ng karahasan, ITO AY MANANAIG. Ito ay tulad ng bahay na itinayo sa ibabaw ng bato, bumuhos ang ulan at bumaha, umihip ang malakas na hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi bumagsak (Matthew 7: 24-25). Ito ay Kaharian ng Diyos kaya’t walang makasisira nito. Para sa ating mga Kristiyano, “never say die” ay bumabatingaw na sigaw ng laban sa lahat ng uri ng kasamaan! Kung ang Diyos ay nasa panig natin, tayo ay TIYAK NA MAKASISIGURO na hindi magwawagi ang kasamaan!
Ipanalangin natin na tayo ay mabilang sa mga natatayo sa Kaharian ng Diyos, at hindi ang mga tagasira, upang tayo ay maligayang makapaghintay sa muling pagdating ng ating Tagapagligtas na si Jesu Kristo!