3,985 total views
Ang Mabuting Balita, 16 Disyembre 2023 – Juan 5: 33-36
KATANGI-TANGI
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa mga Judio, “Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.”
————
Walang tao sa mundong ito ang nakadaig kay Jesus sa kanyang mga gawa, at sa napaka iksing panahon na tatlong taon. Siya ay KATANGI-TANGI sapagkat siya ay Diyos at tao. Nakakaawa nga lang ang mga Judio dahil hindi nila ito natanto, sapagkat abalang-abala sila sa pagtiyak kung ang mga gawa ni Jesus ay naaayon sa Batas ni Moises o hindi. Sa napakahabang panahon, ang kanilang mga ninuno ay naghintay sa pagdating ng Mesiyas, ngunit noong dumating ang Mesiyas, hindi nila ito napansin at hindi nila siya nakilala. Nakakainggit ang kanilang kalagayan na nakaharap nila ang Anak ng Diyos; na makilala ang Ama sa pamamagitan niya; at maranasan ang pagmamahal at awa ng Ama sa pamamagitan niya. Binaliktad nila ang kanilang kalagayan na nakakainggit sa kalagayang nakakaawa.
Mayroong mga taong gumigiit na walang Diyos. Tulad ng sinabi ni Jesus sa Mateo 15: 14, “Hayaan ninyo sila. Sila’y mga bulag na taga-akay ng mga bulag; at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” Ipanalangin nating hindi tayo maging isa sa kanila. Gamitin at pahalagahan natin ang DAKILANG HANDOG NG PANANAMPALATAYA habang may buhay. Magiging DAKILA DIN ITO SA KATAPUSAN!
Panginoon, inuulit namin ang sinabi sa iyo ni Marta, “Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Kristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.” (Juan 11: 27)