17,941 total views
Homiliya para sa Pangalawang Araw ng Simbang Gabi, Ika-17 ng Disyembre 2023, Linggo ng Gaudete, Juan 1:6-8, 19-28
“Simulan ang lakbayin sa layunin.” (Begin with the end in mind.) Isa daw ito sa “seven habits of highly-effective people” sabi ni Steven Covey. Ito ang buod ng ating pagninilay ngayon tungkol sa simbahang nagmimisyon. Ito kasi ang temang tumutuhog sa mga pagbasa natin para sa Linggo ng Gaudete. Ang madalas gamitin na translation para sa Ingles na “goal”, o “purpose”, o “objective” ay hangarin o layunin. Para sa akin, parang mas angkop ang LAYUNIN kaysa HANGARIN.
Iyung HANGARIN—parang may kinalaman sa hinahangad natin o gusto nating makamit o matamo sa buhay. Ang LAYUNIN ay parang ganoon din, pero ang point of reference ay hindi sarili natin kundi ang nilalayon o tinutungo o direksyon natin. Kung saan tayo tinatawag na pumunta.
Kaya related ang salitang bokasyon at misyon; ang bokasyon ay TAWAG, ang misyon ay kung saan tayo ISINUSUGO ng tumawag sa atin. Iyon ang layunin.
Dalawang bagay ang nabibigyang liwanag sa atin kapag malinaw ang LAYUNIN. Una, lumilinaw din kung sino hindi tayo (who we are NOT), at ikalawa, kung sino talaga tayo (who we are). Ito ang dalawang tanong na sinasagot ni Juan Bautista sa ating ebanghelyo.
Simulan natin sa una—Kapag malinaw ang ating layunin sa buhay, hindi tayo ilusyonado. Bago sinagot ni Juan Bautista kung SINO SIYA, nilinaw muna niya kung sino HINDI SIYA. Wala siyang messianic complex. Nilinaw niya na hindi siya ang hinihintay nilang Kristo o si Elijah o ang propetang pinaniniwalaan nilang babalik, tulad ni Jeremiah. Hindi niya hinangad na magpanggap .
Malaki ang naitutulong sa ating mental health kapag marunong tayong dumistansya kahit sa mga bagay na pinagbubuhusan natin ng panahon o pinaglalaanan ng sarili. Minsan nakita ko sa isang poster ang listahan ng mga I AM NOTS: “I am not my job. I am not my salary. I am not my failures. Etc.” Bakit mahalagang sabihin ito ng mga tao sa sarili paminsan-minsan? May buhay pa kasi kahit mawalan ng trabaho, magresign or magretire. Hindi suweldo ang nagbibigay halaga sa pagkatao ng tao. At kahit makagawa ang tao ng kapalpakan o pagkakamali, hindi nangangahulugan na failure na ang buong buhay niya. Higit pa sa lahat ng iyan ang pagkatao natin.
Minsan naman napagkakamalan nating layunin ang ambisyon. Mas malalim ang layunin kaysa ambisyon. Marami na akong nakitang isinantabi ang ambisyon para sa misyon. Sabi ni St. Paul sa ating ikalawang pagbasa sa Unang Sulat niya sa mga Taga-Tesalonica 5:24, “Tapat ang tumawag sa inyo, at siya rin gagawa sa ikatutupad nito.” Tiyakin nga lang na ito ang kalooban niya.Kaya sinasabi niya: “huwag huminto sa pananalangin.” Sa panalangin nalalaman natin hindi lang ang gusto nating mangyari o hangad natin sa buhay, kundi ang ating misyon, ang kalooban ng Diyos.
Kaya pala may punto sa buhay na nag-ermitanyo muna si Juan Bautista sa disyerto bago siya nagsimula sa misyon niya. Nilinaw muna niya sa panalangin ang layunin niya sa buhay. Ito ang pangalawang punto natin: ang layunin ang nagpapalinaw sa ating kung sino talaga tayo. Isinasa-ritwal daw ito ni Juan sa pagbibinyag. Nilulubog muna niya sa tubig ang sumusunod sa kanya.
Gaano katagal ba puwedeng manatiling buhay ang tao kung ilulubog siya sa tubig at hindi na iaahon? Maikli lang ang hininga natin, di ba? Dahil hindi naman tayo isda; malulunod tayo. Nilulubog para habulin ang hininga paglabas sa tubig. Parang sinasabi ni Juan: napakaikli lang ng buhay, sayang naman ito kung walang layunin, kung di mapasaatin ang Espiritu—ang walang hanggang hininga ng Diyos.
Ito ang ikalawang punto: Ang layunin ang nagpapalinaw sa atin KUNG SINO BA TALAGA TAYO—anak ng tao na tinawag para maging anak ng Diyos. Related din ito sa hangarin, pero hindi ng sarili kundi ng tumatawag sa atin.
Sa pamamagitan ng pagsasaatin ng Espiritu, namumulat ang tao na siya’y HINIRANG, sabi nga ni propeta Isaias sa ating unang pagbasa. Ang lingkod ng Diyos na tinawag o hinirang para sa misyon. Ang misyon ay hindi lang tungkol sa pagtataguyod ng mga personal na balakin kundi pakikilahok sa gawaing pagliligtas ng Diyos para sa sangkatauhan, pakikibahagi sa layunin ng Diyos.
May mga nagdududa tungkol sa pakay ng Sinodo—na parang binabago daw ni Pope Francis ang doktrina at mga patakaran ng simbahan. Hindi ko naramdaman iyon kahit minsan sa aming pagtitipon sa Roma noong October. Ang madalas nga niyang ipaalala sa amin ay hindi ito parang batasan gagawa ng mga bagong patakaran batay lamang sa demokratikong botohan. Ang sinodo ay pag-uusap na espiritwal na ginagawa sa diwa ng panalangin at sa liwanag ng Salita ng Diyos. Mas mahalaga kaysa mga personal na opinyon ang masusing pakikinig at pagkilatis sa ibinubulong ng Espiritu Santo sa pamamagitan din ng pagsusumikap natin na magkaisang puso at diwa.