7,848 total views
Ika-3 ng Enero
1 Juan 2, 29 – 3, 6
Salmo 97, 1. 3kd-4. 5-6
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Juan 1, 29-34
Weekday of Christmas Season (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 2, 29 – 3, 6
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, kung alam ninyong si Kristo’y matuwid, dapat din ninyong malamang ang bawat gumagawa ng matuwid ay anak ng Diyos.
Isipin ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos – at iyan ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, sa ngayon, tayo’y mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Kristo, tayo’y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan. Kaya’t ang sinumang may pag-asa sa kanya ay nagpapakalinis, tulad ni Kristo – siya’y malinis.
Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman ninyong naparito si Kristo upang pawiin ang ating mga kasalanan; at siya’y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 3kd-4. 5-6
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Umawit ng bagong awit, sa Panginoo’y ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay,
sa sariling lakas n’ya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas,
yaong lahat sa daigdig, magsipagbunying may galak
Panginoo’y papurihan sa kagalakan ng lahat.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
ang Panginoo’y purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
ipagbunyi nating lahat, Panginoong ating hari.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
ALELUYA
Juan 1, 14a. 12a
Aleluya! Aleluya!
Naging anak ng D’yos tayo
sa Salitang naging tao
na nanirahan sa mundo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 29-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinabukasan, nakita ni Juan si Hesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Ito ang Kordero ng Diyos. Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan! Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong dumarating na kasunod ko ang isang higit sa akin sapagkat siya’y siya na bago pa ako ipanganak. Hindi ko rin siya lubos na nakikilala noon, bagamat ako’y naparitong nagbibinyag sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”
Ito ang patotoo ni Juan, “Nakita ko ang Espiritung bumababa buhat sa langit, gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya lubos na nakikilala noon, ngunit ang nagsugo sa akin upang magbinyag sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Makikita mo ang Espiritu na bababa at mananatili sa isang tao – siya ang magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ Nakita ko ito, at pinatototohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
ENERO 3
Itinuturo ni Juan Bautista si Jesus bilang Anak ng Diyos. Ituon natin ang ating mga puso at isipan sa kanya sa ating pananalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Itulot Mong maging mga saksi mo kami, O Panginoon.
Ang mga pinuno at kasapi ng Simbahan nawa’y maging masigasig na ipahayag si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod na hindi inuuna ang sarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nanunungkulan sa pamahalaan nawa’y hindi maghangad ng pansariling pakinabang kundi maglingkod sa abot ng kanilang makakaya para sa kapakanan ng bayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y maunawaan na sa pamamagitan ng pagtuturo nila ng pananampalataya sa kanilang mga anak ay natutupad nila ang kanilang natatanging misyon na akayin ang mga tao patungo kay Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng karamdaman at nagdurusa nawa’y makabatid na sila ay mahalaga sa mga mata ng Diyos at sila ay kinakalinga niya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga kaibigan, na sa Binyag ay namatay kasama ni Kristo at ngayon ay natapos na ang paglalakbay sa lupa nawa’y makabahagi sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng kanyang Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tinupad mo ang iyong pangako sa amin sa paghahandog mo ng iyong Anak. Ipagkaloob mo sa amin ang biyayang maging tapat na mga saksi ng kanyang pagdating. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.