7,546 total views
Ika-4 ng Enero
1 Juan 3, 7-10
Salmo 97, 1. 7-8. 9
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Juan 1, 35-42
Weekday of Christmas Season (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 3, 7-10
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga anak, huwag kayong padaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid, katulad ni Kristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa’y gumagawa na ng kasalanan ang diyablo. At naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.
Ang tinanggap ng Diyos bilang anak niya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat siya’y may bagong buhay na galing sa Diyos. At yamang ang Diyos ang Ama niya, hindi siya maaaring magpatuloy sa pagkakasala. Dito makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos, at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 7-8. 9
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Umawit ng bagong awit, sa Panginoo’y ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Umingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang daigdigan at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong kalaliman;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Pagkat siya’y dumarating maghahari sa daigdig;
taglay niya’y katarungan at paghatol na matuwid.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
ALELUYA
Hebreo 1, 1-2
Aleluya! Aleluya!
N’ong dati’y mga propeta,
ngayon nama’y Anak niya
ang sugo ng D’yos na Ama.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 35-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, naroon uli si Juan at ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabing, “Ito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito’y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” ani Hesus. Sumama sila at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na yaon. Noo’y mag-iikaapat na ng hapon.
Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Hesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Una niyang hinanap ang kapatid niyang ito, at kanyang sinabi sa kanya, “Natagpuan namin ang Mesias!” Ang kahulugan ng salitang ito’y Kristo. At siya’y isinama ni Andres kay Hesus. Tiningnan ni Hesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang ipangangalan ko sa iyo’y Cefas.” Ang katumbas ng ngalang ito’y Pedro.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
ENERO 4
Tinatawag ng Diyos ang kanyang mga pinili upang tuparin ang kanyang kalooban. Manalangin tayo nang buong pagtitiwala sa ating Ama sapagkat batid nating nais niyang mamagitan ang kanyang bayan para sa mundo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan Mo kaming tuparin ang iyong kalooban.
Ang mga lalaki at babaeng may pananampalataya nawa’y patuloy na tawagin ng Diyos upang maging mga tagapaglingkod sa ating lokal na simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pamilya at mga kaibigan nawa’y lubos na tumugon sa tawag ng ating Binyag, at tanggapin ang biyaya na manatiling bukas sa tawag ng Diyos upang maglingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y patuloy na magtiyaga nang may pag-asa at pagtitiwala sa katapatan ng Diyos sa kanila habang hinahanap nila ang higit na malalim na kahulugan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga may karamdaman nawa’y maunawaan na natutupad ang gawain ng Diyos sa mga pangyayari sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magpahingalay sa kapayapaan sa Kaharian ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na lumikha sa amin, pinasasalamatan ka namin para sa mga biyaya sa araw na ito. Loobin mong makita sa aming mga buhay ang pagtitiwala namin sa iyo upang malaya kaming makatugon sa iyo nang buong-puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.