28,918 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na si Hesus ay nakikilakbay at nakipamuhay sa sangkatauhan.
Ito ang buod ng pagninilay ng arsobispo sa misang ginanap sa Manila Cathedral sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ni Hesus.
Ayon kay Cardinal Advincula isinakatuparan ng Diyos ang pangakong magkatawang tao upang maging kaisa ng tao sa paglalakbay at upang tubusin ang sanlibutan mula sa dilim ng kasalanang dulot ng makamundong pagnanasa.
“Sa pagkakatawang-tao ng Diyos, tunay na sinamahan tayo ng Diyos sa ating paglalakbay sa buhay…Dahil may Pasko, may katiyakan tayong karamay natin ang Diyos, kalakbay natin ang Diyos at hindi tayo nag-iisa,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Sa mensahe ng cardinal ngayong Pasko ng Pagsilang ni Hesus hinimok nito ang mamamayan na tularan si Maria na buong kababaang loob na tumugon sa tawag ng Panginoon na iluwal si Hesus para sa katubusan ng sanlibutan.
Nawa’y ipadama sa kapwa ang diwa ng pagmamalasakit lalo’t higit sa nangangailangan at naisasantabing sektor ng lipunan kabilang na ang mga may karamdaman, matatanda, bilanggo, mga may pinagdadaan at mga maralitang sektor ng pamayanan.
“This Christmas, let us be more concrete and specific in our words of gratitude and acts of charity. Like Mary in the Magnificat, let us recount the great things God has done for us and share them with others,” saad ni Cardinal Advincula.
Bago ang misa nitong December 24 isinagawa ang Christmas Eve concert tampok ang pagtatanghal ng Manila Cathedral Basilica Choir at Kubli Filharmonik String Ensemble.
Kasama ni Cardinal Advincula sa banal na pagdiriwang sina Manila Cathedral Rector Msgr. Rolando dela Cruz, Vice Rector Fr. Vicente Gabriel Bautista, Fr. Mico Dellera at Fr. Rico Ayo ng CBCP – Episcopal Commission on Famly and Life.