26,768 total views
Pinasalamatan ng Jesuit Communications ang lahat ng sumuporta sa pelikulang GOMBURZA na umani ng pitong parangal sa 49th Metro Manila Film Festival.
Ayon kay JesCom Executive Director Fr. Emmanuel Alfonso, SJ. layunin ng media arm ng mga Heswita na maisabuhay at maipakita sa bagong henerasyon ang kasaysayan nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora na nanindigan laban sa paniniil ng mga Espanyol dahilan upang maparusahan ng kamatayan.
“Hindi namin iniisip ang mga award ang iniisip namin kung paanong maikuwento ang kasaysayan nitong tatlong pari,” pahayag ni Fr. Alfonso sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng pari na isinasabuhay lamang ng JesCom ang panawagan ng simbahan na gamitin ang larangan ng media para sa ebanghelisasyon.
“Iniisip namin ang media evangelization na magamit natin itong plataporma ng pelikula, we should use media, we should use social communications to evangelize,” giit ni Fr. Alfonso.
Sa gabi ng parangal nakamit ng GOMBURZA ang Best Sound Design, Best in Production Design, Best in Cinematography, Gatpuno Antonio Villegas Award, at Best Picture habang itinanghal na Best Actor si Paul Cedrick Juan na gumanap bilang Padre Burgos at Best Director naman si Pepe Diokno.
Ibinahagi rin ng Veritas Pilipinas anchor na ito rin ay handog ng mga Heswita sa 500 Years of Christianity ng Pilipinas na itampok ang ginampanang tungkulin ng mga pari na nanindigan sa katotohanan kahit nangangahulugan ng kamatayan.
Nabuo ang kwento ng GOMBURZA sa gabay ng aklat sa kasaysayan ng tatlong paring martir sa komprehensibong pananaliksik ni Jesuit priest Fr. John Schumacher gayundin ang paggabay ng iba pang historian sa bansa.
Nagpasalamat si Fr. Alfonso sa mga natanggap na parangal kasabay ng paghimok sa mamamayan na panuorin ang pelikulang GOMBURZA sa mga sinehan sa buong bansa upang malinang ang karunungan hinggil sa kasaysayan ng bansa lalo na sa panahon ng mga Espanyol.
Suportado ng simbahan sa pangunguna ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang GOMBURZA at hinikayat ang mamamayan na tangkilikin ito upang mag-alab ang diwa ng pagiging maka-Diyos at Makabayan.